Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/46

This page has been proofread.


ristan. Siya'y naghandog ng isang bastong yari sa ginto at mahahalagang hiyas sa Birhen sa Antipolo nang siya'y mahirang na gubernadorsilyo; yao'y isinama ng loob ng kura sa Binundok, na isang paring dominiko. Ang nasabing sama ng loob ay pinawi ni Kapitang Pepe sa isang paraang makadiplomatiko, sa paghahandog sa Birhen sa Binundok ng isang balabal na binurdahan ng ginto at nagkakahalaga ng 8,000 piso. Siya'y ginantimpalaan ng Diyos sa kanyang pagka-makarelihiyon; minarapat ng Diyos na kusang-loob na ibuhos ng maraming angkan sa mga kamay ni Kapitang Pepe ang naimpok nila nang mahabang panahon. Dahil dito'y bumayad siya nang taong iyon sa simbahan ng Antipolo ng apat na misang "solemne" na nagkakahalaga ng dalawang daang piso bawa't isa, at may mga kasamang kwitis, paputok, musiko, at maraming dupikal ng mga batingaw. Kailan ma'y hindi nataas sa gayong kaluwalhatian ang isang tao. Marami siyang kaagaw na mga matatandang manong at sinasabing sa pagpapalaluang ito'y hindi miminsan siyang tinalo ng isang balong babaeng tagapagmana ng kanyang mga anak, mga kapatid, at mga pamangkin at nang panahong yao'y nagtatamasa rin ng malaking kabantugan sa mga sakristiya at kumpisalan.

Si Kapitang Pepe, tapat sa kanyang pamumulitika, ay nakikitungo sa Diyos, gaya ng pakikitungo niya sa mga tao. Kung gaano ang pagpapaulan niya ng mga regalo kapag may ninanais na makamit sa Kura, sa Alkalde, o sa Pamahalaang Sibil, gayon din naman kapag ninanasa niyang manalo ng malaking halaga sa sabungan ay naghahanda siya ng mga misa "solemne" sa sinusundang tatlo o apat na araw. Kapag nanalo siya ay nagdaragdag ng mga pamisa, namumudmod ng salapi sa mga sakristan, nagkakaloob sa Kura ng mga kapon at pabo; kapag siya'y natalo ay sinisisi naman ang sarili sa karamutan sa mga kandila, sa pagpapabawas ng bilang ng mahahabang dupikal ng mga batingaw, sa masamang tinig ng paring nagmimisa at dinadagukan ang kanyang dibdib nang makalawa o makaitlo at pagkatapos ay idinudukot ang kamay sa bulsa para sa ibang pamisang lalong maingay at lalong maraming pailaw, kaya't muling sumisilang ang kanyang pag-asa.

Ang taong ito, sapagka't sa wakas ay tao rin siya, ay walang kagalit na sinuman. Ang kanyang kabaita't kagandahang asal ay pinupuri ng mga manang maliban sa isa: siya'y pinupuri ng kura sa harap ng lahat at inihaharap na uliran sa mga mayayaman at

37