Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/47

This page has been proofread.


makapangyarihan. Ang biyaya ng langit, sa katunayan, ay umuulan sa kanya; ang kasunduan tungkol sa apiyan ay pinagtutubuan niya ng malaki; ang mga tinali niya'y halos lagi nang nananalo, at ang mga lupain niya'y lalong bumubuti.

Isang araw ay sinabi sa kanya ng isang uldog ng Orden Tersera na winika umano ni Hesukristo na lalo pang madaling makapasok sa butas ng isang karayom ang isang kalabaw kaysa isang mayamang makapasok sa langit; at dahil sa ito'y sinabi ng uldog sa isang paraang nakababagbag ng loob at tiniyak na nabasa niya sa isang nobena, si Kapitang Pepe ay nabalisa ng gayon na lamang at nagsadya upang sumangguni sa Kura Paroko. Inaliw siya ng kura sa pamamagitan ng mga salitang sumusunod, na sinabi nang buong kapormalan at sa napakasamang pananagalog:

— Nararapat kang matutong magpakahulugan sa mga pangungusap ng ating Panginoong Hesukristo. Tinutukoy niya ang mga mayayamang hindi nagbibigay ng anuman sa Iglesiya, hindi nakaaalalang magpamisa, maglimos, magregalo. Nakita mo na, Pepe. (dito'y nabagbag ang loob ng Kapitan) Sina Abraham, David at Solomon, Hob at iba pang banal ay ubod ng yaman, datapuwa't palibhasa'y hindi sila nakalilimot sa Diyos at nagpapamisa sa ikagagaling ng mga kaluluwa sa Purgatoryo, ay minahal sila ng Panginoon. Magpatuloy ka, Pepe (dito'y nagliligid ang isang patk ng luha ng pagkamairugin kay Kapitang Pepe). — magpatuloy ka sa iyong mabuting landas at huwag kang tumulad, sa ilang tampalasan sa Diyos na hindi nagbibigay kailan man sa Iglesiya. Tingnan mo, sasabihin ko sa iyo ang isang lihim na huwag mong ibubunyag kaninuman; ingatan mo sa kaibuturan ng iyong puso; ito'y sinasabi ko sa iyo sapagka't totoong minamahal kita (si Kapitang Pepe ay naiyak nang totoo) — Kagabi ay napanaginip kong ikaw ay dinadala ng mga anghel sa langit sa gitna ng mga kuwitis at paputok at ang mga masasama'y nahuhulog na pabalintuwad sa impiyerno at nakataas sa iyo ang kanilang mga bisig na anaki'y nagmamakaawa.

Ito'y sinagot ni Kapitang Pepe ng mga hibik, nag-iwan siya ng sampung tig-aapat na piso para sa isang pamisa ng pasasalamat, hinagkan ang kamay ng kura, at umalis.

Ang araw na siya'y gawing gubernadorsilyo! Ang simbangbaras ay naging araw na napakasaya para sa lahat ng mga sak-

38