Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/63

This page has been proofread.

Sa gayon, isa sa mga unang araw ng buwan ng Abril na ito, ako'y naligo sa isang bantog na batisan ng isang kanugnog na bayang nasa baybay-dagat na gaya ng bayan ko. Lulan ng isang matuli't bagong karumatang hinihila ng isang kabayo ay tinunton ko ang makitid na daang patungo roon. Ang mga bukiring natatamnan ng tubo, na noo'y pinagyayamungmungan ng magagaan, nahuhutok, at mayayabong na kawayan, ng luntia't mataas na Makiling, ng magara't masangang kupang, ng mga kubo, mga bukal - lahat ay pawang lumulunod sa akin, hindi ng pagninilay-nilay ni ng mga pagkukuru-kuro kundi ng isang parang pangangarap ng di-madalumat na kagalakang nadarama at ikinasisiya at nawawala sa sandaling ito'y tumataas at nagsasabog sa lahat ng dako ng liwanag at iba't ibang kulay, ay nangangako ng isang araw na maningning at maalinsangan. Ninais ko sanang pigilin ang araw sa kanyang umaga hindi dahil sa dakilang layuning maigupo ang limang hari, kundi dahil lamang sa pagnanasang makapagtamasa ng lugod at ng liwanag. Datapuwa't ni ang araw ni ang mga taon ay hindi na maaaring pigilin gaya ng sa mga kapanahunan ng bibliya, at tayo'y dapat sumunod, kahit na ito'y mapait sa ating pagkakawili sa lugod, sa di mababagong takbo ng Tadhana.

Pagkalampas sa mapanganib na daang makipot na naghihiwalay at humahangga sa bayan ko't sa bayan ng M6 ... ay tumatambad sa paningin ang isang kaiga-igayang tanawin. Ang simbahan ng bayan at ang bahay-pari sa malayo ay nasa gitna ng mga puno ng niyog at kawayan; sa dakong kanan ang dahilig ng bundok; at sa dakong kaliwa ay malawak na lawa, tahimik at payapa, nagsusugo sa baybayayin ng kanyang mabibilis na along namamatay na bumubulung-bulong sa magandang buhangin. Isang malamig na simoy ang nagpapagalaw sa mga nagniningning na dahon ng mga punung-kahoy, malalaki at mumunti, na nasa tabi ng nag iisa't iláng na daan. Ilang kambing at tupa ang nanginginain sa masaganang damong malapit sa baybayin.

Matapos na malakbay ko ang sapat na agwat ay tumigil ako sa isang maliit na bahay sa tabi ng daan. Ang bahay na iyon ay malinis at malamig na tulad ng babaing tagalog sa mga dalampasigan ng Pasig, naliligid ng mga puno ng langka at bayabas, sa pagitan ng mga palmerang nagtatangkara't nagtataasan, at para-parang naghi-


6 M. . . . — Mainit, ito ang karaniwang tawag sa Los Baños, Laguna noong panahong iyon. (Dr. L. Lopez-Rizal.)

54