Napatda ako't nagulumihanan sa harap ng dalagang iyong kung wala lamang kasama'y napagkamalan ko sanang siya'y "Nayada"8 ng batisan.
Tinangka kong umurong, nguni't parang may pumipigil sa aking pagbabalik; nais kong magpatuloy nguni't aywan ko kung bakit ako'y pinapanawan ng lakas ng loob. Ako'y nalito sa gayong alanganing katayuan. Sa wakas, ako'y nagpasiya; at may kasamang pagpupunyagi, ay sinubok kong lumakad.
Halos nakadalawang hakbang lamang ako nang ang dalaga'y magtanong sa matanda:
— Mayroon na kayang ikasampu, impo? — ang tanong niya.
— Marahil, Minang9 — sagot ng impo pagkatapos na tumingin sa puwang ng makapal at bilog na bubong, na binubuo ng mga sanga, upang tanawin ang araw — kaya halika na't maggugo nang tayo'y makauwi.
— Sandali lamang, impo. Huhulihin ko lamang ang paruparong ito at pagkatapos ay uuwi na tayo.
At lumayo siya, sinundan niya ang paruparo. Nagkaroon ako ng panahon upang siya'y pagmasdan at suriin. Ang mukha niya'y kahali-halina at magiliw. Sa kanyang mukhang hugis-itlog ay namumukod, sa biglang malas, ang dalawang malalaki't maiitim na matang nayuyungyungan ng mahahabang pilikmata; ang noo niya'y makinis at malinis; ang bibig ay nakararahuyo at parang lagi nang nagpapahayag ng isang samo o isang nasa.
Bukod diyan, tila pinaglalaruan ng paruparo ang pananabik at pag-iingat niya. Dumarapo sa isang bulaklak na parang nagaantabay sa kanya, pagkatapos ay lumilipad at lumalayo nang buong tulin; pagkatapos pa, waring nag-aanyaya sa kanya, iyon. ay lumalapit at dumaraang halos nakikiskis sa kanyang maalindog na mga labi; kung minsa'y pumapailanglang, kung minsan nama'y tinutunton ang mga bilog sa kanyang paligid, mamaya'y sumasa-
8 Nayada — ayon sa mga taga-Gresya, ang "Nayada" ay nabibilang sa uri ng mga malina, tumatahan sa mga bukal ng tubig, batis at ilog, at sinasamba ng mga di-binyagan.
9 Minang — palayaw ng isang binibini. Walang tala ni nakaaalam kung sino siya. Malamang na isang katha lamang.
57