Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/67

This page has been proofread.


sayad sa tubig, mamaya'y tumitigil kayang sandali sa isang sanga upang sa isang kisapmata'y lumipat sa iba; lagi nang mapaglaro at sumpunging walang iniwan kay Galatea ni Virgilio. Ang lahat ng pag-babagu-bagong kilos na ito'y pawang nakahuhugot sa dibdib ni Minang ng iba't ibang bulalas.

Sa ganang aki'y hinagad ko rin naman at sundan ang ibang paruparo at sa maiingat na hakbang ay nilibot ko ang batisan.

Sa wakas ay dumapo ang bulaklak ng papawirin sa isang maliit na bulaklak na umuuguy-ugoy sa pampang ng batis. Nakahilig na paharap, siya'y maingat na lumapit na ang kanang kamay ay nakaakmang sumunggab sa malikot na kulisap, samantalang ang kaliwang kamay ay may anyong parang nagsasabi ng: hintay ka. Marami nang taon ang nakararaan ay tila nakikita ko pa siya sa gayong katayuang kaakit-akit sa gitna ng gayon karaming mga bulaklak. Halos naaabot na niya ang maningning na mga pakpak at siya'y nag-uukol ng gayon na lamang na pag-iingat, at nagpipigil ng paghinga; kaya ang mga hubog-kandilang daliri niya'y nakikitang nangignginig, na para bagang maaaring kuyumusin ang mga kulay na iyong parang tersiyopelo.

Datapuwa't aywan kung sa anong kahangalan ko'y nadupilas ako, at ang napakalakas na ingay na ibinunga'y ikinagulat ng paruparong kapagdaka'y humagibis ng paglipad.

— Naku! — ang bulalas niyang sa mga mata'y nalalarawan ang hapis at panghihinayang. At ako'y inirapang puno ng pagsisi at paratang. Pagkatapos, nakahinto at nakalaylay ang mga bisig, siya'y nagbulay-bulay kung paanong nawala sa pagitan ng mga likawlikaw na sanga ang layon ng kanyang pagtugis, at sa kanyang magandang mga labi'y sumungaw ang isang malungkot na ngiti.

Ako'y nalito at napahiya at tinatanaw ko rin ang paruparo. Ibig kong magbigay ng mga pagdadahilan at humingi ng paumanhin, nguni't wala akong mahagilap sa sandaling iyon. Siya'y bumalik at nagbubuntung-hiningang lumapit nang marahan sa kanyang impo.

Sa gayon, yumari ako ng isang pasiya at lumayo. Sa layong ilang hakbang ay nakakita ako ng dalawang paruparong lumilipad. na nanginginig sa tuwa't pag-ibig. Nang mamalas kong sila'y napakaririkit, nagsisintahan, napakasasaya sa paglilibot at pagka-

58