Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/69

This page has been proofread.

— Binibini — ang tugon kong taglay ang mahigit sa kaunting pagtitiwala — ang kasanayan ko'y nababatay sa maningas kong nasang makapagbigay-lugod sa inyo.

— Ako man ay may napakaningas na pagnanasa, nguni't gayunma'y nakita ninyong ang pagnanasang yao'y nawalang-saysay. Ay, nguni't ako'y lubhang natulig na yata. Matagal nang nasaakin ang mga paruparo'y hindi ko pa kayo napasasalamatan. Nalalaman ba ninyong ang mga ito'y totoong napakaririkit?

— Hindi ninyo mahahaka ang aking kasiyahan sa pagkakamalas na sila'y nakalulugod sa inyo. Ako'y pinasalamatan niya sa pamamagitan ng isang sulyap at humandang ipagpatuloy ang kanyang ginagawa matapos na maba. lot sa kapirasong papel ang dalawang paruparo.

— Baka kayo masugatan — aniko, at kinuha ko ang kutsilyo at ang bukong nagtataglay sa balat ng mga tanda ng walang kabuluhang pagsubok.

— Maraming salamat, nguni't kung bayaan ko kayo, hindi kaya ito maging pagmamalabis sa inyong kagandahang loob?

— Sa ano mang paraa'y hindi — ang pakli ko.

— Mag-ingat ka, Minang, — ang sigaw ng impo — sa paglalaro ng mga paruparo.

Binalot ko sila, impo. — At bumaling siya sa akin: — Totoo ba — ang dugtong niya — na ang napakaririlag na mga pakpak na ito'y nakabubulag dahil sa kanilang bulo?

— Maaari ngang maging gayon; datapuwa't tayo'y sinangkapan ng kalikasan ng mga pilikmatang humahadlang sa mga napakaliliit na bagay na makasasama. At lalo't higit kapag ang mga pilik-mata'y totoong mahahaba, ay maaaring pumanatag ang sinuman laban sa ano mang kapinsalaan.

At iniabot ko sa kanya ang buko, o sa lalong tumpak na sabi, ang dalisay na tubig na nalalaman sa basong iyong ginawa ng kalikasan.

Ito'y inihandog niya sa kanyang impo, na nagpasalamat naman. Pinakiusapan niya akong uminom, nguni't ako'y tumanggi at hindi ako uminom hanggang hindi muna siya nakainom.

60