Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/75

This page has been proofread.

8. — ANG MGA HAYOP NI SUWAN
(KUWENTO)

Sapagka’t ako’y isinilang sa kaarawan ni San Salomon! sa ganap na hatinggabi, at kabilugan ng buwan, ay nag-aangkin ako ng tanging biyayang makaunawa ng wika ng mga hayop. Sakaling may taong hindi naniniwala sa akin, ay kinakailangang siya’y ipanganak sa gayon ding mga kabagayang katulad ng pagkakasilang sa akin, at siya’y mapaniniwala kapagdaka.

Kami’y may isang napakalaking bakuran? at doo’y sama-samang naninirahan ang mga tandang, inahin, bibi, pabo, gansa, at baboy, bumababa rin doon ang mga kalapati upang manginain ng mga butil na isinasabog tuwing umaga ni Suwan, isang utusang napakamangmang datapuwa’t bihasa nang gayon na lamang sa ilang pagtistis, at sa pamamagitan nito, ang mga hayop na lalong mailap ay ‘nagiging maamé at madaling tumataba.

May ilang panahon nang napapansin ng aking ama na ang mga hayop na may pakpak ay namamayat at nagkakamatayan nang walang naiiwan kundi buto’t balahibo, ang mga itlog ay umuunti gayong kami’y may mga limampung inahin, nawawala sa mga kapon at pati sa mga pabo ang nakasisilaw na kintab ng kanilang balahibo, at ang mga pitson ng kalapatihan ay nagiging bihira at ang mangilan-ngilang natatagpuan doon ay parang mga pipitong-arawin lamang. Hindi maunawaan ang pangyayaring ito ng aking ama at ni Suwan; wala namang sakit na lumalaganap ni salot o sipon; ang palay at mais na ipinatutuka ay siyang pinakamabubuti; ang pusa nami’y lagi nang binubusog na mabuti upang huwag manginain ng pitson; walang naglilibot na alamid sa mga kapit-‘bakuran, at walang balitang may bayawak na dumadalaw, hayop na bantog sa katakawan sa itlog, at ang kabaitan ng aming si Suwan ay halos humahantong sa pagkahangal kung magkaminsan.

Bagaman hindi ako gaanong nakikialam sa mga bagay-bagay sa aming bahay at walang kailangan sa akin kung ang mga inahin o mga kapon ay nangangayayat o hindi, gayunma’y lubha akong pinanahik ng pangyayari, sapagka’t ang mga tandang na hinunuli ko


1 Mapanudyong pagbanggit sa Haring Salomon, na bantog sa pagiging pinakamarunong sa lahat ng hari.

2 Ipinagugunita sa atin ang bakuran ng angkan ni Rizal sa Kalamba, na may isang pabong napita ng Kura.

66