(Ibang Kuwento)
Ang aming utusang si Siloy ay inaaring Diyos: sa katunayan, siya ang nagpapakain sa kanila, kumakapon, kumakausap at manaka-nakang humahaplus-haplos sa kanila. Sinabi kong ang mga ba boy ay nagmamataas dahil sa sila'y mga kapon, at bagaman totoo ngang may mga tandang na kapon din naman, ang mga ito'y hindi nila pinapansin at sinisikap na siraan ng puri sapagka't iba ang lahing kinauukulan, at mapalad na kung sila'y payagang gumanap ng tungkulin ng alila o katulong. Ang palagay nila sa kanilang sarili ay pinakapaham; walang anumang bagay na mapaniniwalaan ni masasabi sa bakuran kung di muna isasangguni sa kanila; ang hindi nalalaman ng isang baboy ay walang sinumang maaaring makaalam; nagpapanggap silang magpaliwanag ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng mahihiwagang ngalngal na ako mang ito, kahit. anong pagmamatyag ang aking kasangkapanin, ay madalas na hindi makaunawa ng ibig nilang sabihin. Bihira silang gumalaw, at kapag lumalakad, ay ginagawa iyon nang buong tining na di miminsang ako'y natuksong manikluhod.
Gayunman, sa mga iyon ay may isang kilalang-kilala, na nginalanang Botyok ni Siloy; iyon ang pinakamataba sa lahat at itinalagang katayin ng aking ama sa Pasko. Limang taon nang kinapon iyon, ang tiyan ay sayad sa lupa, lawlaw ang mga pisngi, at lubog na lubog ang mga mata na hindi na nakikita halos at dahil dito'y laging nakahiga at naghihilik.
Siya'y nagninilay-nilay! ang sabi ng mga kapatid niya sa mga gansa at mga manok, at inulit at ipinahayag ng mga ito: nagninilay-nilay, sumasambulat ang diwa!
Ang tanging iginagalaw at niyuyugyog ay ang baluktot na buntot, lalung-lalo na kung kinakamot ni Siloy ang kanyang katad sa pamamagitan ng isang kawayan, bagay itong nakapagdaragdag nang malaki sa kanyang puri at nagiging dahilan upang siya'y ariing kinatawan ni Siloy sa bakuran.
Huwag ninyong uubusin ang lahat ng butil na isinasabog sa inyo ni Siloy tuwing umaga ang sabi niya sa mga manok mag-iwan kayo ng kalahati para sa mga baboy at sa gayo'y lalo kayong magiging kalugud-lugod sa kanila.
71