Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/85

This page has been proofread.

Gayon na lamang ang kapangyarihan ng tinig sa pag-uutos at gayon na lamang ang kahulugan ng kumpas ng kamay kaya’t nawatasan ito ni prayle Rodriguez. Buong panginginig na tumindig, nagtangkang iunat ang katawan, at paurong na nagsiksik sa isang sulok.

Humupa ang galit ng pangitain nang mamalas ang gayong katunayan ng pagsunod, bagay na sa kasalukuyan‘ay napakabihirang matagpuan sa mga taong namamanata ng pagsunod. Ang paghamak na nakikintal sa pagmumukha ng pangitain ay napalitan ng pagkahabag. Pinigil ang isang buntung-hininga, at nagpatuloy ng pagsasalita sa isang himig na lalong marahan, bagama’'t hindi nawawalan ng kadakilaan:

— Dahil sa iyo, dahil sa iyong mga kahangalan, ay napilitan akong lumisan sa pook na yaon upang parito! At lubha akong napagal bago kita natagpuan at makilala sa karamihan! Lahat ay nakakaparis mo, kahit na may kaunting pagkakaiba. Kayong lahat ay may ulong walang laman, at mga sikmurang sandat! Doon ay hindi ako tinitigilang biru-biruin dahil sa kagagawan niyong lahat, at lalo na dahil sa iyo. Wala akong nahita sa pagpapanggap na hindi ko sila naririnig. Hindi lamang si Lopez de Recaldo o Ignacio de Loyola ang umuuyam sa akin sa pamamagitan ng kanyang walang tugot na ngiti at mapagpakumbabang kilos. Hindi lamang si Domingo ang tumatawa sa akin — oo, si Domingo na may hangaring magsamahal-na-tao at sa noo ay may mga bituing yari sa puwit ng baso. Pati ba naman si Francisco, ang lubhang hangal na si Francisco, naiintindihan mo ba? ay lumilibak sa akin; binibiru-biro nila ako — oo, ako, na kahit na pagsama-samahin silang lahat, ay mahigit pa rin ako sa pagkapalaisip, sa pagmamatuwid at sa pagsusulat kaysa kanila!

— Ang samahang itinatag mo ay dakila at makapangyarihan— ang wika sa akin ni Ignacio, kasabay ng pagtutungo ng kanyang

ulo, — katulad ng mga piramide sa Ehipto; malaking-malaki sa paanan (at ikaw ang paanan), datapuwa’t habang tumataas ay lalong lumiliit . . .! At siya’y lumayo na bumubulong nang

buong kababaang loob: ‘‘Anong laking pagkakaiba ng paanan sa tuktok!”

— Doktor — ani Domingo — bakit hindi ninyo ginamit ang inyong karunungan, gaya ng pagkakagamit ko sa kamahalang-asal, na ipinamana ko sa aking mga anak! Sana’y pinakinabangan nating lahat!

76