Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/90

This page has been proofread.


sa lupa sa dahilang sinulat ng Rizal na ito sa isang aklat na kanyang ginawa ang aking mga sinabi. Gaya ng inyong nakikita, kung pagsusumundan ang ganyang pangangatuwiran, nararapat ding maging sarili ni Rizal at nararapat na siya’y maging kasang-ayon ng mga kaisipang isinisiwalat ng mga prayle, mga guwardiya sibil, mga gubernadorsilyo at iba pa. Kayo mang iyan, banal na Pantas, ay nararapat ding masarili ninyo at maging kasang-ayon ng mga pangungusap na inyong isinasabibig ng mga erehe, pagano, at lalo na ng mga manikeo.

Ikalawa. Ninanais niyang ako ay magkuru-kuro at magsasalita ng katulad niya, sapagka’t pinupulaan niya ako dahil sa pagbanggit ko sa “Bibliya at mga santo Ebangheliyo.” Hindi ko iniaalis na maniwala siya, kagaya ng lahat ng bulag ang pananampalataya, na ang bibliya at ang mga santo ebangheliyo ay bumubuo ng iisang bagay lamang; datapuwa’t ako, na nag-aral naman ng Bibliyang orihinal na nasusulat sa wikang ebreo, ay nakababatid na ito’y hindi naglalaman ng mga Ebangheliyo. Sapagka’t ang Bibliya ay gawa, kasaysayan, kayamanan at pag-aari ng bayang hudiyo, ang may kahuli-hulihang kapangyarihan sa bagay na ito ay ang mga hudiyo, na hindi kumikilala sa mga ebangheliyo. Sa dahilang ang salin niyaon sa latin ay hindi tumpak sa ilang bahagi, kaya hindi matuwid na sa bagay na ito’y ang mga katoliko ang magpasiya kung ano ang kautusan, bagaman may kaugalian ang mga katoliko na umangkin sa hindi kanila, at magpakahulugan sa salin alinsunod sa kanilang kagustuhan at sa kanilang ikinalulugod, kahit na mabago ang diwa ng mga nasusulat, Isa pa, ang mga Ebangheliyo, bukod tangi ang kay Mateo, ay sinulat sa wikang griyego, at nahuli sa Bibliya. Sa katunayan, sa kanilang pinakabuod, ay kanilang iginuguho ang mga kautusan ni Moises. Bilang katunayan nito ay ang alitan ng mga hudiyo at mga kristiyano. Kaya nga, palibhasa’y nababatid ko ang bagay na ito, ay bakit ako magsasalitang tulad ng isang bulag ang pananampalataya o tulad ng isang walang muwang na prayle? Hifidi ko hinihingi sa kanino mang prayle na magsalita nang parang isang may malayang pagkukuro; kaya naman hindi nararapat na ako’y piliting magsalita nang parang isang prayle. Bakit nagsusumakit ang mga prayle na pagkamalang parang iisa lamang ang dalawang bagay na nagkakaiba at manakanaka’y nagkakasalungatan? Mapararaan nang ganyan ang gawin ng karaniwang kristiyano, datapuwa’t hindi ko nararapat gawin ang ganyan, at hindi ko naman magagawa. Bukod dito, ang pagbang-

81