Ikaanim. Sa halip na tawagin niyang mangmang ang iba at
magpanggap siyang palabasa, ay marapat siyang mag-ingat na
lalo. Siya ang hindi man lamang nakabasa sa inyo gayong kayo
ang kanyang Ama, at tungkulin niyang malaman kung ano ang in-
yong sinabi. Kung ito lamang ay kanyang ginawa, ay hindi sana
siya nakapagsabi ng napakaraming kahangalan, at hindi sana siya
nabunyag at napakilalang kakaunti ang kanyang kaalaman. Na-
tatalos ko kung saan niya kinukuha ang kanyang sinusulat: sa
ilang maninipis na aklat na inilathala sa Katalunya nina Sarda at
Salvani upang panatilihin ang kamangmangan sa bayan.
Nguni't ang matandang lalaki ay hindi nakapagpatuloy sa-
pagka't tinawag ako ng tinig ng Kataas-taasan sa harap ng kan-
yang karurukan. Nanginginig akong lumapit at nangayupapa.
—Pumanaog ka sa daigdig, —ang utos ng makapangyarihang
tinig, at sabihin mo sa mga taong yaon na tinatagurian ang
kanilang sariling mga anak mo, na Ako, na lumalang sa angaw-
angaw na araw na nililigiran ng angaw-angaw na daigdig, at ba-
wa't isa sa mga ito'y tinitirhan ng angaw-angaw na bagay-
bagay na nilikha ko dahil sa aking walang hanggang kabutihan,
ay ayokong maging kasangkapan ng mga imbing simbuyo ng ilang
hindi naman siyang pinakamagaling sa mga nilikha, isang dakot
na alabok na tinatangay ng hangin, maliit na bahagi ng mga na-
ninirahan sa isa sa mga lalong maliit na daigdig ko! Sabihin
mo sa kanilang hindi ko ibig, na sa ngalan ko'y pagsamantalahan
nila ang kaabaan at kamangmangan ng kanilang mga kapatid.
Ayokong sa ngalan ko'y tangkaing pilitin ang pag-iisip at ang pag-
kukurong ginawa kong malalaya. Ayokong sa aking ngalan, ay
gumawa ng anumang pagmamalabis, o humugot kahit na isang
buntong-hininga, malaglag kahit na isang patak na luha o mabu-
bo kahit na isang patak ng dugo. Hindi ko rin nais na Ako'y
ilarawan nilang malupit, mapaghiganti, tagasunod sa kanilang mga
pita at tagaganap ng kanilang kalooban. Ako ang kabutihan, ka-
ya huwag nila akong gawing isang mapaghari-harian at isang
mabangis na Ama. Huwag silang magpanggap na sila lamang ang
tanging may hawak ng liwanag at ng buhay na walang katapusan.
Paanong magkakaganito? Hindi baga ako ang nagkaloob sa ba-
wa't nilikha ng hangin, liwanag, buhay, pag-ibig at pagkain upang
mabuhay at lumigaya? Kung gayon, itatanggi ko ba ang lalong
pinakakailangan, ang lalong pinakamahalaga, na dili iba kundi
ang walang hanggang kaligayahan, dahil lamang sa kapakinaba-
ngan ng iilang taong hindi naman siyang pinakamabuti sa lahat?