Sa Aking mga Kababata
Kapagka ang baya'y sadyáng umiibig
Sa kanyáng salitáng kaloob ng langit,
Sanlang kalayaan nasa ring masapit
Katulad ng ibong nasa himpapawid.
Pagka't ang salita'y isang kahatulan
Sa bayan, sa nayo't mga kaharián,
At ang isáng tao'y katulad, kabagay
Ng alin mang likha noong kalayaán.
Ang hindi magmahal sa kanyang salitâ
Mahigit sa hayop at malansáng isdâ,
Kayâ ang marapat pagyamaning kusà
Na tulad sa ináng tunay na nagpalà.
Ang wikang Tagalog tulad din sa Latin
Sa Inglés, Kastilà at salitang anghel,
Sapagka't ang Poong maalam tumingín
Ang siyang naggawad, nagbigay sa atin.
Ang salita nati'y huwad din sa iba
Na may alfabeto at sariling letra,
Na kaya nawalá'y dinatnan ng sigwâ
Ang lunday sa lawà noóng dakong una.
This work is first published in the Philippines and is now in the public domain because its copyright protection has expired by virtue of the Intellectual Property Code of the Philippines. The work meets one of the following criteria:
|