Ang Aklat ng Eclesiastico, Karunungan ni Jesus, Anak ni Sirac
Support
Kabanata 0
editPaunang Salita ng Nagsalin sa Wikang Griego
1 Samantalang maraming mahahalagang bagay ang ipinahayag sa atin ng Kautusan at ng mga Propeta, at ng iba pang sumunod sa kanilang yapak, na kung kaya't dapat purihin ang Israel sa kanilang pag-aaral at karunungan: at hindi lamang ang mga mambabasa ang kinakailangang maging bihasa, 2 kundi pati na rin ang mga nagnanais na matuto ay makapakinabang sa kanilang pagtuturo at pagsusulat: ang aking lolo na si Jesus, nang siya'y lubos na maglaan ng kaniyang sarili sa pagbabasa ng Kautusan at ng mga Propeta, 3 at iba pang aklat ng ating mga ninuno, at siya'y nagkaroon ng mabuting pagpapasya dito, ay siya rin ay nahikayat na sumulat ng mga bagay na nauukol sa pag-aaral at karunungan; na ang layunin ay ang mga nagnanais na matuto, at ang mga umiibig sa mga bagay na ito, ay mas marami pang mapakinabangan sa pamumuhay ayon sa Kautusan. 4 Kaya't hinihiling ko sa inyo na basahin ito nang may kagandahang-loob at pansin, at patawarin ninyo kami, kung saan maaaring kami'y magmukhang kulang sa ilang mga salita, 5 na aming pinaghirapan na isalin; sapagkat ang mga bagay na ito na sinasalita sa Hebreo, at isinalin sa ibang wika, ay hindi magkapareho ang bisa. At hindi lamang ang mga bagay na ito, kundi pati na rin ang batas mismo, at ang mga propeta, 6 at ang iba pang mga aklat, ay may malaking kaibahan, kapag sila'y sinasalita sa kanilang sariling wika. Sapagkat noong aking ika-38 taon na pumasok sa Egipto, nang si Euergetes ay hari, at nanatili roon ng ilang panahon, aking nasumpungan ang isang aklat na may malaking karunungan: 7 kaya't inakala kong napakahalaga para sa akin na maglaan ng pansin at pagsisikap na isalin ito: na may malaking pagmamasid at kasanayan sa panahong iyon upang maihatid ang aklat sa kahulugan, at ilathala rin para sa kanila, na sa isang banyagang bansa ay handang matuto, 8 na handa na noon sa mga pamamaraan upang mabuhay ayon sa batas.
Kabanata 1
editGinawa ng Diyos ang Karunungan
1 Ang lahat ng karunungan ay nagmumula sa Panginoon, at kasama Niya ito magpakailanman.
2 Sino ang makapagsusukat ng buhangin sa dagat, at ng patak ng ulan, at ng mga araw ng walang hanggan?
3 Sino ang makapagtataya ng taas ng langit, at ang lawak ng lupa, at ang kalaliman, at ng karunungan?
4 Ang karunungan ay nilikha bago pa ang lahat ng bagay, at ang pagkaunawa sa katalinuhan ay mula pa noong walang hanggan.
[5 Ang bukal ng karunungan ay ang salita ng Diyos sa kaitaasan, at ang mga agos nito ay ang walang hanggang mga utos.][1]
6 Kanino ipinakita ang ugat ng karunungan? o sino ang nakakaalam ng kaniyang mga pantas na payo?
[7 Ang pagkaunawa sa karunungan—kanino ito ipinakita, ang kaniyang kahusayan, sino ang nakakaalam?][2]
8 Mayroong isang marunong at labis na dapat katakutan, ang Panginoon na nakaupo sa Kaniyang trono.
9 Nilikha Niya ang karunungan [sa Espritu Santo][3], at nakita Niya ito, at binilang Niya ito, at ibinuhos Niya ito sa lahat ng kaniyang mga gawa.
10 Ito ay kasama ng lahat ng laman ayon sa kaniyang kalooban, at ibinigay Niya ito sa mga umiibig sa Kaniya.
11 Ang takot sa Panginoon ay karangalan, at kaluwalhatian, at kagalakan, at isang putong ng kasiyahan.
12 Ang takot sa Panginoon ay nagpapaligaya sa puso, at nagdudulot ng kagalakan, at kasiyahan, at mahabang buhay.
13 Ang sinumang natatakot sa Panginoon, ito ay magiging mabuti para sa kaniya sa huli, at siya'y pagpapalain sa araw ng kaniyang kamatayan.
14 Ang takot sa Panginoon ay ang simula ng karunungan: at nilikha ito kasama ng mga tapat sa sinapupunan.
15 Siya ay nagtayo ng walang hanggang saligan sa mga tao, at mananatili ito sa kanilang lahi.
16 Ang takot sa Panginoon ay kabuuan ng karunungan, at pinupuno ang mga tao ng kaniyang mga bunga.
17 Ipinupuno niya ang kanilang bahay ng mga bagay na kahanga-hanga, at ang mga imbakan ng kaniyang paglago.
18 Ang takot sa Panginoon ay isang putong ng karunungan, na nagpapamayapa at nagpapaligaya ng ganap na kalusugan.
19 Nakita ng Diyos ang karunungan at sinusukat ito. Ibinuhos Niya ang kasanayan at kaalaman ng pang-unawa, at itinaas ang karangalan ng mga nagtataglay nito nang maigi.
20 Ang ugat ng karunungan ay ang takot sa Panginoon, at ang mga sanga nito ay ang mahabang buhay.
[21 Ang takot sa Panginoon ay pinalalayo ang mga kasalanan, kung saan ito nananatili, ito ay pumipigil sa lahat ng galit.][4]
Pagtitimpi sa Sarili
22 Ang marahas na galit ay laging walang katuwiran;
- mapapahamak ang tao sa sandaling padala siya sa kanyang galit.
23 Maghintay ka at magtimpi,
- at sa huli ay hindi mo ito pagsisisihan.
24 Huwag kang magsalita hanggang hindi napapanahon;
- pagkatapos, igagalang ng lahat ang iyong katalinuhan.
Ang Karunungan at ang Paggalang sa Diyos
25 Ang Karunungan ay may magagandang aral na iniingatan,
- ngunit ang makasalanan ay nasusuklam sa kabanalan.
26 Sundin mo ang Kautusan, kung nais mo ng Karunungan;
- ito'y masaganang ipagkakaloob sa iyo ng Panginoon.
27 Ang paggalang sa Panginoon ay karunungan at kaalaman;
- nalulugod siya sa matapat at mababang-loob.
28 Huwag mong itatakwil ang paggalang sa Panginoon;
- huwag kang dudulog sa kanya nang di tapat sa loob.
29 Pag-ingatan mo ang iyong pananalita,
- at huwag kang magkukunwari sa paningin ng mga tao.
30 Huwag kang magmamataas,
- baka ka bumagsak at sukdulang mapahiya.
Ihahayag ng Panginoon ang iyong mga lihim,
- at hihiyain ka niya sa harap ng madla,
sapagkat dumulog ka sa kanya nang walang paggalang,
- at ang puso mo'y puno ng pandaraya.
Kabanata 2
editKatapatan sa Diyos
1 Anak, kung nais mong maglingkod sa Panginoon,
- humanda ka sa mga pagsubok.
2 Maging tapat ka at magpakatatag,
- huwag kang masisiraan ng loob sa panahon ng kasawian.
3 Manalig ka sa Panginoon at huwag kang lalayo sa kanya,
- upang ikaw ay parangalan sa katapusan ng iyong buhay.
4 Tanggapin ang anumang ipagkaloob niya sa iyo,
- tiisin mo ang kabiguan kahit ano ang mangyari.
5 Kung ang ginto ay dinadalisay sa apoy,
- ang banal ay sinusubok ng Panginoon sa apoy ng paghamak.[a]
6 Magtiwala ka at tutulungan ka niya,
- mamuhay ka sa katuwiran at umasa sa kanya.
7 Kayong may paggalang sa Panginoon, maghintay kayo ng kanyang habag;
- huwag kayong lalayo sa kanya nang hindi kayo mapahamak.
8 Kayong may paggalang sa Panginoon, magtiwala kayo sa kanya,
- at siguradong tatanggap kayo ng gantimpala.
9 Kayong lahat na may paggalang sa Panginoon, umasa kayo sa kanyang pagpapala.
- Asahan ninyo ang kanyang pagkahabag at kagalakang walang hanggan.[b]
10 Tingnan ninyo ang nangyari sa ating mga ninuno:
- May nagtiwala ba sa Panginoon at nabigo?
May nanatili bang naglilingkod sa kanya na kanyang pinabayaan?
- May tumawag ba sa kanya na hindi niya dininig?
11 Sapagkat maawain at mapagpatawad ang Panginoon,
- pinatatawad niya tayo sa ating kasalanan at inililigtas sa kagipitan.
12 Kawawa ang mahihinang-loob at mga tamad,
- kawawa ang makasalanang mapagkunwari.
13 Kawawa ang mahihina ang loob! Ayaw nilang magtiwala,
- kaya hindi naman sila tatangkilikin.
14 Kawawa kayong mga nawalan ng pag-asa at ayaw nang makibaka,
- ano ang gagawin ninyo kapag pinarusahan kayo ng Panginoon?
15 Ang mga may paggalang sa Panginoon at di sumusuway sa kanyang utos,
- ang mga umiibig sa kanya'y namumuhay ayon sa kanyang kalooban.
16 Ang mga may paggalang sa Panginoon ay nagsisikap na siya'y bigyang-lugod;
- ang kanyang Kautusan ang umiiral sa buhay ng mga umiibig sa kanya.
17 Ang mga may paggalang sa Panginoon ay handang maglingkod sa kanya,
- nagpapakababa sila sa kanyang harapan. Sabi nila,
18 “Ipinagkakatiwala natin ang ating buhay sa Panginoon sa halip na sa mga tao,
- sapagkat kapantay ng kanyang kamahalan ang kanyang habag.”[c]
Kabanata 3
editTungkulin sa Magulang
1 Mga anak, ako'y inyong ama, kaya makinig kayo.
- Gawin ninyo ito, at di kayo mapapahamak.
2 Sapagkat ang mga ama ay binigyan ng Panginoon ng kapangyarihan sa mga anak,
- at iniuutos niya na sundin ng mga anak ang kanilang ina.
3 Ang gumagalang sa kanyang ama'y nagbabayad na sa kanyang kasalanan,
- 4 at ang nagpaparangal sa kanyang ina'y parang nag-iimpok ng kayamanan.
5 Ang gumagalang sa kanyang ama'y paliligayahin naman ng kanyang mga anak,
- at ang panalangin niya'y agad diringgin ng Panginoon.
6 Pahahabain ng Diyos ang buhay ng nagpaparangal sa kanyang mga magulang—
- siya na sumusunod sa Panginoon.
7 Ang may paggalang sa Panginoong Diyos ay gumagalang sa kanyang mga magulang,
- at pinaglilingkuran niya ang kanyang magulang na parang panginoon niya.
8 Igalang mo ang iyong ama sa salita at sa gawa,
- upang sumaiyo ang kanyang pagpapala.
9 Pinatatatag ng pagpapala ng isang ama ang pamumuhay ng mga anak,
- ngunit ito ay sinisira ng sumpa ng isang ina.
10 Huwag mong ipagkakalat ang kahihiyan ng iyong ama,
- sapagkat ang kanyang kahihiyan ay hindi mo ikararangal.
11 Ikararangal ng sinuman ang gumalang sa kanyang ama,
- at kahihiyan ng mga anak ang di gumalang sa kanilang ina.
12 Anak, kalingain mo ang iyong ama kapag siya'y matanda na,
- at huwag mo siyang dudulutan ng sama ng loob habang nabubuhay.
13 Pagpaumanhinan mo siya kapag nanlalabo na ang kanyang isip;
- huwag mo siyang lalapastanganin ngayong nasa kasibulan ka na ng iyong lakas.
14 Ang paglingap mo sa iyong ama ay di malilimutan,
- iyan ay magiging kabayaran sa iyong mga kasalanan.
15 Ang ginawa mo sa iyong ama ay aalalahanin ng Panginoon,
- at ang mga kasalanan mo'y matutunaw na parang yelo pagdating ng tag-init.
16 Ang sinumang magpabaya sa kanyang ama ay para nang lumapastangan sa Diyos,
- at ang gumagawa ng ikagagalit ng ina'y susumpain ng Panginoon.
Ang Kababaan ng Loob
17 Anak, maging mapagpakumbaba ka sa pagtupad ng tungkulin,
- at mamahalin ka ng mga malapit sa Diyos.[a]
18-19 Habang ika'y dumadakila, lalo ka namang magpakumbaba;
- sa gayo'y kalulugdan ka ng Panginoon.[b]
20 Sapagkat kahanga-hanga ang kapangyarihan ng Panginoon
- at dinadakila siya ng mga nagpapakumbaba.
21 Huwag mong hangaring maunawaan ang mga bagay na lampas sa iyong kakayahan,
- huwag mong saliksikin ang hindi mo kayang malaman.
22 Sundin mo ang Kautusang bigay sa iyo ng Panginoon;
- huwag mong pagkaabalahan ang inilihim niya sa iyo.
23 Huwag mong pakialaman ang di mo saklaw,
- sapagkat marami sa mga itinuro sa iyo ay lampas sa pang-unawa ng tao.
24-25 Maraming naliligaw dahil sa kanilang pabigla-biglang hatol;
- napilipit ang kanilang isipan ng kanilang maling palagay.[c]
26 Ang matigas ang ulo'y daranas ng pasakit sa bandang huli;
- ang mahilig sa panganib ay ipapahamak nito.
27 Ang matigas ang ulo'y laging nasusubo sa ligalig;
- ang nawili na sa kasalana'y palaging magkakasala.
28 Walang katapusan ang kapighatian ng palalo;
- nag-ugat na ang kasamaan sa kanyang puso.
29 Pinahahalagahan ng matalino ang mga talinghaga;
- nakikinig ang marunong pagkat nais niyang matuto.
Ang Pagtulong sa Maralita 30 Kung ang tubig ay pumapatay ng apoy,
- ang pagkakawanggawa ay pumapawi ng kasalanan.
31 Ang gumagawa ng mabuti sa kapwa ay naghahanda para sa kinabukasan,
- sapagkat kapag siya naman ang nagipit, mayroon siyang masasandalan.
Kabanata 4
edit1 Anak, huwag mong aalisan ng ikabubuhay ang mahihirap
- at huwag mong paghihintayin ang nangangailangan.
2 Huwag mong dudustain ang nagugutom,
- at huwag mong gagalitin ang taong nasa mahigpit na pangangailangan.
3 Huwag mong dadagdagan ng suliranin ang taong masama ang loob,
- at huwag mong ipagpaliban ang pagtulong sa maralita.
4 Huwag mong tatanggihan ang hiling ng nasa kasawian;
- huwag mong tatalikuran ang taong dukha.
5 Huwag mong iiwasan ang nangangailangan;
- huwag mo siyang bibigyan ng dahilang sumpain ka.
6 Kung sumpain ka niya sa gitna ng mapait niyang karanasan,
- diringgin ng Maykapal ang kanyang dalangin.
7 Sikapin mong kalugdan ka ng lipunan;
- igalang mo ang mga may kapangyarihan.
8 Pakinggan mo ang daing ng maralita;
- sagutin mo siya nang banayad at payapa.
9 Iligtas mo ang naaapi sa kamay ng mang-aapi,
- at magpakatatag ka kapag ikaw ay humahatol.
10 Maging isa kang ama sa mga ulila;
- bigyan mo ang mga biyuda ng tulong na hindi na maidulot ng yumaong asawa;
aariin kang anak ng Kataas-taasang Diyos
- at iibigin ka niya nang higit pa sa pag-ibig ng isang ina.
Ang Karunungan Bilang Guro
11 Kinakalinga ng Karunungan ang mga humahanap sa kanya;
- sila'y kanyang tinuturuan.[a]
12 Ang nagmamahal sa kanya'y nagpapahalaga sa buhay;
- ang maagang naghihintay sa kanya ay magtatamasa ng kaligayahan.
13 Ang nagkamit ng Karunungan ay magtatamo ng karangalan,
- pagpapalain siya ng Panginoon saanman siya pumunta.
14 Ang naglilingkod sa Karunungan ay naglilingkod sa Panginoon;
- iibigin ng Panginoon ang sinumang umiibig sa Karunungan.
15 Ang sumusunod sa kanya'y humahatol nang wasto;[b]
- ang nagpapahalaga sa kanya'y nabubuhay nang matiwasay.
16 Magtiwala ka sa Karunungan at kakamtan mo siya;
- mananatili siya sa iyong lahi hanggang sa iyong kaapu-apuhan.
17 Sa pasimula'y isasama ka niya sa mga liku-likong landas,
- tatakutin ka niya at pupunuin ng alalahanin.
Pagtitiisin ka niya ng bigat ng kanyang mga tuntunin, at susubukin ka niya sa pamamagitan ng kanyang mga utos,
- hanggang sa ikaw ay pagtiwalaan niya.[c]
18 Pagkatapos, agad-agad ka niyang lalapitan;
- ihahayag niya sa iyo ang kanyang mga lihim, at bibigyan ka niya ng kaligayahan.
19 Ngunit kapag siya'y iyong tinalikuran,
- pababayaan ka niya at mabubulid ka sa kapahamakan.
Pagtitiwala sa Sarili
20 Gawin mo ang lahat sa tamang panahon at umiwas kang lagi sa masama.
- Huwag mong hahamakin ang iyong sarili.
21 Ang kababaang-loob ay kapuri-puri at marapat igalang,
- ngunit ang paghamak sa sarili ay kasalanan.
22 Huwag mong bayaang pagsamantalahan ka ng iba;
- huwag mong ipahamak ang iyong sarili dahil sa di pagtatanggol sa iyong mga karapatan.
23 Huwag kang mag-atubiling magsalita kung napapanahon,
- at huwag mong itago ang iyong karunungan.[d]
24 Ang karunungan ay nakikilala sa pananalita;
- ang pinag-aralan mo ay makikilala sa iyong pangungusap.
25 Huwag kang magsasalita laban sa katotohanan,
- at huwag mong kalilimutang marami kang di nalalaman.
26 Huwag mong ikahihiyang ipahayag ang iyong mga kasalanan;
- hindi mo mapipigilan ang agos ng ilog.
27 Huwag kang paiilalim sa hangal,
- at huwag mo namang kikilingan ang makapangyarihan.
28 Ipakipaglaban mo ang katotohanan hanggang kamatayan,
- at ipaglalaban ka ng Panginoong Diyos.
29 Huwag kang pabigla-bigla sa pananalita;
- huwag ka namang babagal-bagal sa paggawa.
30 Huwag kang mag-asal leon sa iyong tahanan,
- at huwag kang magmalupit sa iyong mga katulong.
31 Huwag laging nakabuka ang palad mo para tumanggap,
- ngunit huwag ding nakakimkim nang mahigpit kapag napapanahong magbayad.
Kabanata 5
editAng Labis na Pagtitiwala sa Sarili
1 Huwag kang manalig sa iyong kayamanan
- at huwag mong sabihing, “Wala na akong kailangan.”
2 Huwag kang padadala sa labis na hangarin,
- na makamtan lamang ang gusto'y gagawin ang lahat.
3 Huwag mong sabihing wala kang kinikilalang kapangyarihan,
- sapagkat darating ang panahong paparusahan ka ng Panginoon.
4 Huwag mo ring sabihin, “Wala namang nangyari sa akin, matapos akong magkasala!”
- Dahil ang Panginoon ay hindi madaling magalit.
5 Huwag kang masanay sa paggawa ng kasalanan
- dahil sa pag-asang lagi ka niyang patatawarin.
6 Huwag mong sabihin, “Walang katapusan ang kanyang habag.
- Patatawarin niya ako, gaano man karami ang aking kasalanan.”
Sapagkat kung siya'y marunong maawa, marunong din siyang magalit,
- at ang kanyang galit ay nakatuon sa mga makasalanan.
7 Magbalik-loob ka na agad sa Panginoon;
- huwag mong ipagpabukas ang pakikipagkasundo sa kanya,
sapagkat biglang darating ang araw ng paghihiganti,
- at mamamatay ka sa kanyang pagpaparusa.
8 Huwag kang manalig sa kinamkam mong kayamanan,
- sapagkat hindi mo ito papakinabangan sa araw ng kapighatian.
Katapatan at Pagpipigil sa Sarili 9 Huwag mong basta-bastang pagbigyan ang lahat,
- at huwag kang sumang-ayon sa bawat sabihin ninuman.
Ganyan ang gawa ng mga taong sinungaling. 10 Magpakatatag ka sa iyong mga patakaran,
- at panindigan mo ang iyong sinabi.
11 Lagi kang manabik sa pakikinig,
- at maging maingat ka sa pagsagot.
12 Kung nauunawaan mo ang pinag-uusapan, sumagot ka;
- ngunit kung hindi, itikom mo ang iyong bibig.
13 Ang pananalita'y maaaring ikarangal o ikapahiya;
- ang dila ng isang tao'y maaaring ikapahamak niya.
14 Huwag kang pabalitang isang tsismoso,
- at huwag kang magkakalat ng balitang makakapinsala sa sinuman.
Kung paanong ang mga magnanakaw ay mapapahiya,
- ang sinungaling naman ay kamumuhian.
15 Pag-ingatan mong huwag magkulang sa malaki o maliit mang bagay,
- at huwag kang maging kaaway sa halip ay manatiling isang kaibigan.
Kabanata 6
edit1 Ang kasiraang-puri ay nagdudulot ng kahihiyan at pagkawala ng tiwala,
- na siyang marapat sa isang makasalanang sinungaling.
2 Huwag kang patatangay sa matinding alab ng damdamin,
- baka suwagin ka niya na parang torong baliw,
3 o baka ubusin niya ang mga dahon mo at sirain ang iyong bunga,
- at maiwan kang parang tuyot na punongkahoy.
4 Ipapahamak ka ng iyong masasamang pagnanasa,
- hanggang sa pagtawanan ka ng iyong mga kaaway.
Ang Pakikipagkaibigan
5 Ang magiliw na tinig ay nakakaakit ng maraming kaibigan,
- at ang matamis na pananalita'y susuklian ng magandang sagot.
6 Makipagbatian ka sa maraming tao,
- ngunit isa lamang sa sanlibo ang hihingan mo ng payo.
7 Bago ka makipagkaibigan kaninuman, subukin mo muna siya,
- at huwag mo siyang pagtitiwalaan agad.
8 Sapagkat may mga kaibigang mapagsamantala
- na di mo maaasahan sa oras ng pangangailangan.
9 May kaibigang hindi nagtatagal at nagiging kaaway mo,
- at ibubunyag pa niya ang pagkakagalit ninyo, palalabasin ka pa niyang kahiya-hiya.
10 Mayroon ding kaibigang kasalu-salo mo sa pagkain,
- ngunit pababayaan ka sa oras ng kagipitan.
11 Sa kasaganaan, didikit siya sa iyo na parang anino,
- uutusan niya pati ang mga katulong mo;
12 ngunit sa kasawia'y pababayaan ka niya,
- pagtataguan ka, at di mo na siya makikita.
13 Lumayo ka sa kaaway,
- at mag-ingat ka sa kaibigan.
14 Ang matapat na kaibiga'y parang matibay na kanlungan,
- kapag nakatagpo ka ng tulad niya'y para kang nakahukay ng kayamanan.
15 Walang kasinghalaga ang matapat na kaibigan;
- hindi siya matutumbasan ng gaano mang salapi.
16 Ang matapat na kaibiga'y parang gamot na nagbibigay-buhay,
- at siya'y matatagpuan lamang ng mga may paggalang sa Panginoon.
17 Ang may paggalang sa Panginoo'y makakatagpo ng tapat na kaibigan,
- at ang mga kaibigan niya'y tulad niyang may paggalang sa Panginoon.
Matuto ka sa Karunungan
18 Anak, mula pa sa iyong kabataan pahalagahan mo na ang Karunungan,
- at kapag tumanda ka'y patuloy mo siyang makakamtan.
19 Linangin mo ang Karunungan gaya ng ginagawa ng magsasaka sa kanyang bukirin,
- at mag-aani ka nang masagana;
magpagod kang sumandali sa pag-aalaga sa kanya,
- at lalasap ka ng masarap niyang bunga.
20 Mahirap siyang kamtan ng ayaw mag-aral,
- hindi magtitiyaga sa kanya ang may mahinang kalooban.
21 Para sa mangmang, ang Karunungan ay batong mabigat
- na di magtatagal at kanyang ibabagsak.
22 Ang Karunungan[a] ay talagang mahirap kamtan,
- iilan lamang ang tunay na nakakakilala sa kanya.
23 Makinig ka, anak ko't narito ang aking tagubilin,
- huwag mong tanggihan itong aking payo.
24 Bayaan mong gapusin ng Karunungan ang iyong mga paa,
- at isuot sa iyong leeg ang pamatok niya.
25 Yumuko ka at nang makasakay siya sa iyong balikat,
- at huwag kang maghimagsik sa kanyang kapangyarihan.
26 Buong puso mo siyang suyuin,
- at sundin nang buo mong lakas ang kanyang mga tuntunin.
27 Hanapin mo siya at siya'y iyong matatagpuan,
- at minsang mahawakan ay huwag mo nang pakakawalan.
28 Sa wakas, malalasap mo ang ginhawang dulot niya,
- at siya ay magiging kaligayahan mo.
29 Ang mga tanikala niya'y magiging sandata mo,
- at ang kanyang pamatok ay maharlikang kasuotan.
30 Ang pamatok niya'y magiging isang gintong hiyas,
- at ang tali niya'y pamigkis na bughaw.
31 Isusuot mo siyang parang damit na marilag,
- at ipuputong siya sa iyo bilang korona ng kagalakan.
32 Kung nais mo'y magiging marunong ka;
- magsikap ka lamang, ikaw ay magiging matalino.
33 Kung mawilihin kang makinig, ikaw ay matututo;
- at kung pahahalagahan mo ang iyong narinig, ikaw ay dudunong.
34 Kapag dumalo ka sa kapulungan ng matatanda,
- piliin mo kung sino sa kanila ang marunong at sa kanya ka pumanig.
35 Maging masigasig ka sa pakikinig ng aral ng mga makadiyos,
- at huwag mong kaliligtaan ang mga makahulugang talinghaga.
36 Kapag nakatagpo ka ng isang matalino, agapan mo ang pagdalaw sa kanya; at puntahan mo siya nang malimit
- hanggang sa ikaw na lamang ang makapudpod sa pasukan ng kanyang bahay.
37 Sundin mo ang mga batas ng Panginoon,
- lagi mong pag-aralan ang kanyang Kautusan,
at palilinawin niya ang iyong pag-iisip,
- at kakamtan mo ang karunungang iyong minimithi.
Kabanata 7
edit1 Huwag kang gumawa ng masama, at walang masamang mangyayari sa iyo.
2 Lumayo ka sa kabuktutan, at lalayuan ka rin nito.
3 Anak, huwag kang maghasik ng kaapihan;
- baka mag-ani ka nang pitong ulit.
4 Huwag kang humingi sa Panginoon ng kapangyarihan,
- o humiling sa hari ng mataas na tungkulin.
5 Huwag mong igiit sa Panginoon na ikaw ay matuwid,
- o magpanggap na marunong sa harap ng hari.
6 Huwag kang maghangad na maging hukom
- kung wala kang tibay ng loob na panindigan ang katarungan.
Kapag nasindak ka sa babala ng makapangyarihan,
- baka mawalan ka ng karangalan sa paningin ng madla.
7 Huwag kang gagawa ng masama laban sa sambayanan,
- nang hindi ka kasuklaman ng iyong mga kababayan.
8 Huwag mo nang balikan ang dati mong kasalanan,
- magbago ka sa unang parusa pa lamang.
9 Huwag mong sabihing, “Pahahalagahan ng Panginoon ang aking pagsuyo,
- at lagi niyang tatanggapin ang bawat handog ko sa kanya.”
10 Huwag kang manghihinawang manalangin,
- at huwag mong kaliligtaan ang pagkakawanggawa.
11 Huwag mong pagtatawanan ang nasa kasawian;
- ang Panginoong nagpahintulot na siya'y mabigo, ang siya ring magkakaloob sa kanya ng tagumpay.
12 Huwag kang maghanap ng kasinungalingan
- na maipaparatang[a] sa iyong mga kaibigan.
13 Huwag kang magsisinungaling kailanman,
- sapagkat walang kabutihang maidudulot ang ugaling iyan.
14 Sa kapulungan ng matatanda, huwag kang madaldal;
- sa iyong pananalangin, huwag kang paulit-ulit ng walang katuturan.
15 Huwag mong kainisan ang pagsasaka at paggawang nakakapagal,
- sapagkat iyan ay gawang itinakda ng Kataas-taasang Diyos.
16 Huwag kang umanib sa samahan ng mga makasalanan;
- tandaan mo, ang araw ng paghuhukom ng Diyos ay hindi na magtatagal.
17 Lubusan kang magpakumbaba,
- sapagkat apoy at uod ang parusang naghihintay sa makasalanan.
Pakikitungo sa Kapwa
18 Huwag mong ipagpalit sa salapi ang iyong kaibigan;
- kahit sa pinakamainam na ginto ay huwag ipagpalit ang isang tunay na kaibigan.
19 Huwag mong sayangin ang pagkakataong magkaroon ng isang matalino at mabait na asawa;
- higit pa sa ginto ang alindog niya.
20 Huwag mong pagmalupitan ang isang alilang tapat,
- o ang isang upahang mapagmalasakit.
21 Mahalin mong tunay ang isang mabuting alipin;[b]
- huwag mong panghinayangang siya'y palayain.
22 Alagaan mong mabuti ang iyong mga kawan,
- at ipagpatuloy mo ang pag-aalaga niyon kung pinakikinabangan mo.
23 Mayroon ka bang mga anak na lalaki? Sanayin mo sila sa mabuting asal.
- Turuan mo silang maging masunurin[c] mula sa pagkabata.
24 Mayroon kang mga anak na babae? Pangalagaan mo ang kanilang pagkabirhen.
- Huwag mo silang palalayawin nang labis.
25 Kapag nag-asawa na ang iyong anak na babae, natapos mo na ang isang mabigat na responsibilidad. Ngunit sikapin mong ang mapangasawa niya'y isang lalaking maunawain. 26 Kung mayroon kang butihing asawa, huwag mo siyang hihiwalayan.
- Ngunit huwag mong ipagkakatiwala ang iyong sarili sa isang babaing hindi mo mahal.
27 Igalang mo ang iyong ama nang buong puso,
- at huwag mong kalilimutan ang naging hirap ng iyong ina ng ikaw ay kanyang isilang.
28 Alalahanin mong kung hindi sa kanila ay di ka magiging tao;
- hindi mo matutumbasan kailanman ang ginawa nila para sa iyo.
29 Igalang mo ang Panginoon nang buong puso,
- at igalang mo ang kanyang mga pari.
30 Buong lakas mong ibigin ang Dakilang Lumikha
- at mag-abuloy ka sa ikabubuhay ng kanyang mga lingkod.
31 Igalang mo ang Panginoon at igalang mo ang kanyang mga pari;
- ibigay mo sa kanila ang nauukol sa kanila:
Ang mga unang bunga, ang handog para sa kasalanan, ang balikat ng handog na hayop,
- ang handog ng pagtatalaga— lahat ng mga ipinag-uutos na handog at alay.
32 Maging bukas-palad ka sa mahihirap,
- nang maging ganap ang pagpapala sa iyo ng Panginoon.
33 Magmagandang-loob ka sa mga buháy,
- at huwag mong ipagkait ang tulong mo sa mga patay.
34 Makiramay ka sa mga naulila ng isang mahal sa buhay,
- at makidalamhati ka sa kanila.
35 Huwag mong kaliligtaan ang pagdalaw sa mga maysakit,
- sapagkat kapag ginawa mo ito, mamahalin ka nila.
36 Anuman ang gawin mo, alalahanin mo ang iyong huling hantungan
- at hindi ka magkakasala.
Kabanata 8
edit1 Huwag mong kakalabanin ang makapangyarihan,
- baka ka mahulog sa kanyang mga kamay.
2 Huwag kang mangangahas lumaban sa mayaman;
- tiyak na tatalunin ka niya sa pamamagitan ng kanyang kayamanan.
Marami na ang nasilaw sa kislap ng ginto;
- pati ang isipan ng mga hari ay ginugulo ng salapi.
3 Huwag kang makikipagtalo sa madaldal,
- lalo mo lang gagatungan ang kanyang kadaldalan.
4 Huwag mong pagtatawanan ang taong walang modo,
- kung hindi mo nais na pati ang mga nuno mo'y laitin niya.
5 Huwag mo nang kagalitan ang taong nagsisisi na;
- alalahanin mong tayong lahat ay nagkakasala.
6 Huwag mong hahamakin ang isang tao dahil sa kanyang katandaan,
- sapagkat tatanda rin tayong tulad niya.
7 Huwag mong ikatuwa ang pagkamatay ng isang tao;
- alalahanin mong tayong lahat ay mamamatay.
8 Huwag mong hahamakin ang pangaral ng marurunong,
- sa halip ay pag-aralan mong mabuti ang kanilang mga kasabihan;
makakapulot ka roon ng maraming karunungan,
- at matututunan mong maglingkod sa mga may kapangyarihan.
9 Pag-aralan mo ang turo ng matatanda,
- sapagkat sila man ay nag-aral din niyon sa kanilang mga magulang.
Matututo ka sa kanila ng pang-unawa,
- at mayroon kang maisasagot kapag kinailangan.
10 Huwag mong pagsiklabin ang galit ng makasalanan,
- baka ka maramay sa ningas ng kanyang poot.
11 Huwag kang mapipikon sa kabastusan ng isang tao;
- iyan lamang ang hinihintay niya upang siluin ka sa iyong pangungusap.
12 Huwag kang magpapautang sa mas malakas kaysa sa iyo;
- at kung nagpautang ka na, ituring mo iyong nawala na.
13 Huwag kang gagarantiya nang higit sa iyong kaya,
- at kapag ikaw ay gumarantiya, humanda ka sa pagbabayad.
14 Huwag kang makikipag-asunto sa isang hukom,
- sapagkat alang-alang sa tungkulin niya, tiyak na papapanalunin nila siya.
15 Huwag kang sasama sa taong walang modo,
- malamang na dahil sa kanya ay mapasubo ka sa gulo,
sapagkat gagawin niya ang gusto niya,
- at dahil sa kanyang kahangalan, pati ikaw ay maaaring masawi.
16 Huwag kang makipaglaban sa taong magagalitin,
- huwag ka ring sasama sa kanya sa pook na walang tao,
sapagkat siya'y hindi natatakot pumatay ng tao,
- at maaaring paslangin ka niya, kapag walang makakatulong sa iyo.
17 Huwag mong sasabihin ang panukala mo sa isang hangal,
- sapagkat hindi siya marunong mag-ingat ng lihim.
18 Huwag kang gagawa ng di dapat malaman ng iba sa harapan ng di mo nakikilalang tao,
- sapagkat hindi mo alam kung ano ang maaaring gawin niya sa iyo.
19 Huwag mong sasabihin ang binabalak mo sa lahat ng tao;
- kapag nagkagayon, para mo nang itinapon ang pagkakataon mong magtagumpay.[a]
Kabanata 9
editKabanata 10
editKabanata 24
edit1 Ang karunungan ay magpapuri sa kaniya sarili, at maghahari sa gitna ng kaniyang bayan.
2 Sa kapisanan ng Kataastaasang Maykapal ay magbubukas siya ng kaniyang bibig, at maghahari sa harapan ng kaniyang mga anghel:
3 “Ako'y lumabas mula sa bibig ng Kataastaasang Maykapal,
- at sumaklaw sa buong daigdig tulad ng isang hamog.
4 Nakatira ako sa mataas na lugar,
- at ang aking luklukan ay nasa isang haligi ng ulap.
5 Ako lamang ang naglakbay sa buong kalawakan ng kalangitan
- at naglakad sa mga kalaliman ng kalaliman.