Ang Aklat ng Exodo
Support
Kabanata 1
edit
1 Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Israel, na nagsipasok sa Egipto: (bawat lalaki at ang kani-kaniyang sangbahayan ay sumama kay Jacob.) 2 Si Ruben, si Simeon, si Levi, at si Juda; 3 Si Isacar, si Zabulon at si Benjamin; 4 Si Dan at si Neftali, si Gad at si Aser. 5 At lahat ng tao na lumabas sa balakang ni Jacob ay pitong pung tao: at si Jose ay nasa Egipto na. 6 At namatay si Jose, at ang lahat niyang kapatid at ang buong lahing yaon. 7 At ang mga anak ni Israel ay lumago, at kumapal na maigi at dumami, at naging totoong makapangyarihan; at ang lupain ay napuno nila.
8 May bumangon ngang isang bagong hari sa Egipto, na hindi kilala si Jose. 9 At sinabi niya sa kaniyang bayan, Narito, ang bayan ng mga anak ni Israel ay higit at lalong malakas kay sa atin: 10 Hayo't tayo'y magpakadunong sa kanila; baka sila'y dumami, at mangyari, na, pagka nagkadigma, ay makisanib pati sila sa ating mga kaaway, at lumaban sa atin, at magsilayas sa lupain. 11 Kaya't nangaglagay sila ng mga tagapagpaatag, upang dalamhatiin sila sa atang sa kanila. At kanilang ipinagtayo si Faraon ng mga bayan na kamaligan, na dili iba't ang Fitom at Raamses. 12 Datapuwa't habang dinadalamhati nila sila, ay lalong dumadami at lalong kumakapal. At kinapootan nila ang mga anak ni Israel. 13 At pinapaglingkod na may kabagsikan ng mga Egipcio ang mga anak ni Israel: 14 At kanilang pinapamuhay sila ng masaklap sa pamamagitan ng mahirap na paglilingkod, sa argamasa at sa laryo, at sa lahat ng sari-saring paglilingkod sa bukid, at sa lahat ng paglilingkod nila na ipinapaglingkod sa kanila, na may kabagsikan.
15 At ang hari sa Egipto ay nagsalita sa mga hilot na Hebrea, na ang pangalan ng isa ay Sifra, at ang pangalan ng isa ay Pua: 16 At kaniyang sinabi, Paghilot ninyo sa mga babaing Hebrea, at pagtingin ninyo sa kanila sa dakong panganganakan; kung lalaki, ay papatayin nga ninyo: datapuwa't kung babae ay inyong bubuhayin. 17 Datapuwa't ang mga hilot ay nangatakot sa Diyos at hindi ginawa ang gaya ng iniutos sa kanila ng hari sa Egipto, kundi iniligtas na buhay ang mga batang lalaki. 18 At ipinatawag ng hari sa Egipto ang mga hilot, at sinabi sa kanila, Bakit ninyo ginawa ang bagay na ito, at inyong iniligtas na buhay ang mga batang lalaki? 19 At sinabi ng mga hilot kay Faraon, Sapagka't ang mga babaing Hebrea ay hindi gaya ng mga babaing Egipcia; sapagka't sila'y maliliksi, at nakapanganak na, bago dumating ang hilot sa kanila. 20 At ang Diyos ay gumawa ng mabuti sa mga hilot: at ang bayan ay kumapal, at naging totoong makapangyarihan. 21 At nangyari, na sapagkat ang mga hilot ay natakot sa Diyos, ay iginawa niya sila ng mga sangbahayan. 22 At iniutos ni Faraon sa kaniyang buong bayan, na sinasabi, Itatapon ninyo sa ilog bawat lalaki na ipanganak, at bawat babae ay ililigtas ninyong buhay.
Kabanata 2
edit
1 At isang lalaki sa lipi ni Levi ang yumaon, at nakapag-asawa sa isang anak na babae ng lipi ni Levi. 2 At ang babae ay naglihi, at nanganak ng isang lalaki, at nang kaniyang makita na maganda, ay kaniyang itinago ng tatlong buwan. 3 At nang hindi na niya ito maitago pa, ikinuha niya ito ng isang basket na papiro, at pinahiran niya ng betun at alkitran. Isinilid niya ang bata roon at inilagay sa talahiban sa tabi ng ilog. 4 At tumayo sa malayo ang kaniyang kapatid na babae, upang maalaman ang mangyayari sa bata.
5 At ang anak na babae ni Faraon ay lumusong upang maligo sa ilog, samantalang ang kaniyang mga alilang babae ay lumalakad sa tabi ng ilog. At kaniyang nakita ang basket sa gitna ng mga talahiban, at ipinadala ang kaniyang aliping babae, at dinala niya ito sa kaniya. 6 At binuksan niya ito at nakita ang bata, at naroon ang batang lalaki, umiiyak. At nahabag siya sa kaniya at sinabi, "Isa ito sa mga anak ng mga Hebreo." 7 Nang magkagayo'y sinabi ng kaniyang kapatid na babae sa anak ni Faraon, Yayaon ba ako at itatawag kita ng isang sisiwa sa mga babaing Hebrea, na makapagalaga sa iyo ng batang ito? 8 At sinabi sa kaniya ng anak ni Faraon, Yumaon ka. At ang dalaga ay yumaon, at tinawag ang ina ng bata. 9 At sinabi ng anak ni Faraon, sa kaniya, Dalhin mo ang batang ito, at alagaan mo sa akin, at bibigyan kita ng iyong kaupahan. At kinuha ng babae ang bata, at inalagaan. 10 At ang bata ay lumaki, at kaniyang dinala sa anak ni Faraon, at siya'y kaniyang inaring anak. At kaniyang pinanganlang Moises, at sinabi, Sapagkat aking sinagip siya sa tubig.
11 At nangyari nang mga araw na yaon, ng malaki na si Moises, na kaniyang nilabas ang kaniyang mga kapatid, at minasdan ang atang sa kanila, at kaniyang nakita ang isang Egipcio, na nananakit ng isang Hebreo, na isa sa kaniyang mga kapatid. 12 At siya'y nagmasid sa magkabikabilang dako, at nang siya'y walang makitang tao, ay kaniyang pinatay ang Egipcio at kaniyang tinabunan sa buhanginan. 13 At siya'y lumabas ng ikalawang araw, at, narito, na may dalawang lalaking Hebreo, na nagbababag, at kaniyang sinabi roon sa umaapi, Bakit mo sinasaktan ang iyong kasama? 14 At sinabi niya, Sinong naglagay sa iyong pangulo at hukom sa amin? Iniisip mo bang patayin ako, na gaya ng pagpatay mo sa Egipcio? At natakot si Moises, at nagsabi, Tunay na ang bagay na yaon ay nahayag.
15 Nang mabalitaan nga ni Faraon ang bagay na ito, ay minithi niyang patayin si Moises. Datapuwa't si Moises ay tumakas sa harapan ni Faraon, at tumahan sa lupain ng Madian: at siya'y umupo sa tabi ng isang balon.
16 Ang pari nga sa Madian ay may pitong anak na babae: at sila'y naparoon at umigib ng tubig, at kanilang pinuno ang mga inuman upang painumin ang kawan ng kanilang ama. 17 At ang mga pastor ay dumating, at sila'y pinalayas: datapuwa't si Moises ay tumayo, at sila'y tinulungan, at pinainom ang kanilang kawan. 18 At nang sila'y dumating kay Raquel na kanilang ama, ay sinabi niya, Bakit kayo tumindig na madali ngayon? 19 At kanilang sinabi, Ipinagsanggalang kami ng isang Egipcio sa kamay ng mga pastor, at saka iniigib pa niya kami ng tubig, at pinainom ang kawan. 20 At kaniyang sinabi sa mga anak niya, At saan naroon siya? bakit ninyo iniwan ang lalaking yaon? tawagin ninyo siya upang makakain ng tinapay. 21 At si Moises ay natuwa na makisuno sa lalaking yaon: at kaniyang pinapag-asawa kay Moises si Zephora na kaniyang anak. 22 At nanganak ng isang lalaki, at kaniyang pinanganlan ng Gersom; sapagka't kaniyang sinabi, Ako'y nakipamayan sa ibang bayan.
23 At nangyari pagkaraan ng maraming araw na ang hari sa Egipto ay namatay; at ang mga anak ni Israel ay nagbuntong hininga dahil sa pagkaalipin, at sila'y dumaing at ang kanilang daing ay umabot sa Diyos dahil sa pagkaalipin. 24 At dininig ng Diyos ang kanilang hibik, at naalaala ng Diyos ang kaniyang tipan kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, 25 At nilingap ng Diyos ang mga anak ni Israel, at sila'y kinilala ng Diyos.