Ang Aklat ni Daniel

 Support

Daniel
akda ni Daniel
159967Daniel — Bibliyaakda ni Daniel

Kabanata 1

edit

1 Nang ikatlong taon ng paghahari ni Jehoiakim na hari ng Juda, dumating sa Jerusalem si Nebukadnezar na hari ng Babilonia at kinubkob iyon. 2 At ibinigay ng Panginoon si Jehoiakim na hari ng Juda sa kaniyang kamay, kabilang ang ilan sa mga kagamitan sa bahay ng Diyos. Ang mga ito ay dinala niya sa lupain ng Shinar sa bahay ng kaniyang diyos, at inilagay niya ang mga kagamitan sa kabang-yaman ng kaniyang diyos. 3 At inutusan ng hari si Aspenaz, na pinuno ng kaniyang mga eunuko, na dalhin ang ilan sa mga Israelita na mula sa lahi ng hari at sa mga maharlika, 4 mga kabataang walang kapintasan, makikisig at bihasa sa lahat ng sangay ng karunungan, may taglay na kaalaman at pang-unawa, at may kakayahang maglingkod sa palasyo ng hari. Ituturo sa kanila ang panitikan at wika ng mga Caldeo. 5 Ang hari ay nagtakda sa kanila sa araw-araw ng bahagi mula sa pagkain na kinakain at alak na iniinom ng hari. Sila'y tuturuan sa loob ng tatlong taon upang sa katapusan ng panahong iyon ay mailagay sila sa bulwagan ng hari. 6 Kabilang sa mga ito ay sina Daniel, Hananias, Mishael, at Azarias mula sa lipi ni Juda. 7 Binigyan sila ng pinuno ng mga eunuko ng ibang pangalan: si Daniel ay tinawag na Belteshasar, si Hananias ay tinawag na Shadrac; si Mishael ay tinawag na Meshac, at si Azarias ay tinawag na Abednego. 8 Ngunit ipinasiya ni Daniel na hindi niya durungisan ang sarili sa pamamagitan ng bahagi ng pagkaing mula sa hari o ng alak man na kaniyang iniinom. Kaya't kaniyang hiniling sa pinuno ng mga eunuko na pahintulutan siyang huwag dungisan ang kaniyang sarili. 9 At pinahintulutan ng Diyos na si Daniel ay tumanggap ng lingap at habag mula sa pinuno ng mga eunuko. 10 Sinabi ng pinuno ng mga eunuko kay Daniel, "Ako'y natatakot na baka makita ng aking panginoong hari na nagtakda ng inyong pagkain at inumin, na kayo ay nasa mas masamang kalagayan kaysa mga kabataan na inyong kasinggulang. Kaya't ilalagay ninyo sa panganib ang aking ulo sa hari." 11 Nang magkagayo'y sinabi ni Daniel sa katiwala na hinirang ng pinuno ng mga eunuko upang mamuno kina Daniel, Hananias, Mishael, at Azarias: 12 "Subukin mo po sana ang iyong mga lingkod sa loob ng sampung araw. Bigyan mo kami ng mga gulay na makakain at tubig na maiinom. 13 Pagkatapos ay ihambing mo ang aming anyo sa anyo ng mga kabataang nagsisikain ng pagkain ng hari; at ayon sa iyong makikita ay gawin mo sa iyong mga lingkod." 14 Kaya't sumang-ayon siya sa mungkahing ito, at sinubok sila sa loob ng sampung araw. 15 Sa katapusan ng sampung araw ay nakitang higit na mabuti ang kanilang anyo at higit na mataba kaysa lahat ng mga kabataang nagsikain ng pagkain ng hari. 16 Kaya't inalis ng katiwala ang kanilang bahaging pagkain at alak na mula sa hari, at binigyan sila ng mga gulay. 17 Tungkol sa apat na mga binatang ito, pinagkalooban sila ng Diyos ng kaalaman at katalinuhan sa lahat ng turo at karunungan. Si Daniel ay mayroong pagkaunawa sa lahat ng pangitain at mga panaginip. 18 Sa katapusan ng mga araw na itinakda ng hari sa paghaharap sa kanila, ipinasok sila ng pinuno ng mga eunuko sa harap ni Nebukadnezar. 19 At ang hari ay nakipag-usap sa kanila, at sa kanilang lahat ay walang natagpuang gaya nina Daniel, Hananias, Mishael, at Azarias. Kaya't sila'y inilagay sa bulwagan ng hari. 20 At sa bawat bagay tungkol sa karunungan at pang-unawa na inusisa ng hari sa kanila, kaniyang natuklasan na sila'y sampung ulit na mas mahusay kaysa sa lahat ng salamangkero at mga engkantador na nasa kaniyang buong kaharian. 21 At si Daniel ay namalagi roon hanggang sa unang taon ng haring si Ciro.

Kabanata 2

edit

1 Sa ikalawang taon ng paghahari ni Nebukadnezar, si Nebukadnezar ay nagkaroon ng mga panaginip. Ang kaniyang espiritu ay nabagabag, at hindi na siya makatulog. 2 Nang magkagayo'y ipinag-utos ng hari na tawagin ang mga salamangkero, mga engkantador, mga manghuhula, at ang mga Caldeo, upang sabihin sa hari ang kaniyang mga panaginip. Kaya sila'y dumating at humarap sa hari. 3 At sinabi ng hari sa kanila, "Ako'y nanaginip at ang aking espiritu ay nabagabag sa pagnanais na maunawaan ang panaginip." 4 Nang magkagayo'y sinabi ng mga Caldeo sa hari sa wikang Aramaico, "O hari, mabuhay ka magpakailanman. Sabihin mo sa iyong mga lingkod ang panaginip, at aming ipapaliwanag ang kahulugan." 5 Sinagot ng hari ang mga Caldeo, "Tiyak ang salita mula sa akin: kapag hindi ninyo naipaalam sa akin ang panaginip at ang kahulugan nito, kayo'y pagpuputul-putulin, at ang inyong mga bahay ay gagawing bunton ng dumi. 6 Ngunit kung inyong ipapaalam ang panaginip at ang kahulugan nito, kayo'y tatanggap sa akin ng mga kaloob, mga gantimpala at dakilang karangalan. Kaya't ipaalam ninyo sa akin ang panaginip at ang kahulugan nito." 7 Sila'y sumagot sa ikalawang pagkakataon, at nagsabi, "Sabihin ng hari sa kaniyang mga lingkod ang panaginip, at aming ipapaliwanag ang kahulugan." 8 Ang hari ay sumagot, "Nakakatiyak ako na sinisikap ninyong magkaroon pa ng dagdag na panahon, sapagkat inyong nalalaman na ang aking salita ay tiyak, 9 na kung hindi ninyo ipaalam sa akin ang panaginip, may iisang kautusan lamang para sa inyo. Sapagkat kayo'y nagkasundong magsalita ng kasinungalingan at masasamang salita sa harapan ko hanggang sa ang panahon ay magbago. Kaya't sabihin ninyo sa akin ang panaginip, at malalaman ko kung inyong maipapaliwanag sa akin ang kahulugan nito." 10 Ang mga Caldeo ay sumagot sa hari, at nagsabi, "Walang tao sa lupa na makapagbibigay ng hinihingi ng hari; sapagkat walang gayong kadakilang hari at makapangyarihang hari ang nagtanong ng ganyang bagay sa kaninumang salamangkero, engkantador, o Caldeo. 11 At ang bagay na hinihingi ng hari ay napakahirap at walang makakapagpakita nito sa hari, maliban sa mga diyos, na ang tahanan ay hindi kasama ng mga tao." 12 Dahil sa bagay na ito ang hari ay nagalit at naging mabagsik at iniutos na patayin ang lahat ng pantas ng Babilonia. 13 Kaya't ang utos ay kumalat na ang mga pantas ay papatayin; at hinanap nila si Daniel at ang kaniyang mga kasama upang patayin sila. 14 Nang magkagayo'y maingat at mahinahong sumagot si Daniel kay Arioc na punong kawal ng bantay ng hari, na lumabas upang patayin ang mga pantas ng Babilonia. 15 Sinabi niya kay Arioc na punong kawal ng hari, "Bakit madalian ang utos ng hari?" Ipinaliwanag ni Arioc ang pangyayari kay Daniel. 16 Kaya't si Daniel ay pumasok at humiling sa hari na bigyan siya ng panahon, upang kaniyang maipaalam sa hari ang kahulugan. 17 Pumasok si Daniel sa kaniyang bahay at ipinaalam ang pangyayari kina Hananias, Mishael, at Azarias na kaniyang mga kaibigan. 18 Kaniyang sinabihan sila na humingi ng awa sa Diyos ng kalangitan tungkol sa hiwagang ito, upang si Daniel at ang kaniyang mga kaibigan ay huwag mamatay na kasama ng ibang mga pantas ng Babilonia. 19 At ang hiwaga ay inihayag kay Daniel sa isang pangitain sa gabi. Nang magkagayo'y pinuri ni Daniel ang Diyos sa langit. 20 Sinabi ni Daniel: "Purihin ang pangalan ng Diyos magpakailanman, sapagkat sa kaniya ang karunungan at kapangyarihan. 21 Siya ang nagbabago ng mga panahon at mga kapanahunan; siya'y nag-aaiis ng mga hari, at naglalagay ng mga hari; siya'y nagbibigay ng karunungan sa marunong at ng kaalaman sa may pang-unawa; 22 siya ang naghahayag ng malalalim at mahihiwagang bagay; kaniyang nalalaman kung ano ang nasa kadiliman, at ang liwanag ay naninirahan sa kaniya. 23 Sa iyo, O Diyos ng aking mga ninuno, ako'y nagpapasalamat at nagpupuri, sapagkat binigyan mo ako ng karunungan at kapangyarihan, at ipinaalam mo sa akin ang aming hinihiling sa iyo; sapagkat iyong ipinaalam sa amin ang nangyari sa hari." 24 Kaya't pinuntahan ni Daniel si Arioc na siyang hinirang ng hari upang patayin ang mga pantas ng Babilonia at sinabi sa kaniya ang ganito, "Huwag mong patayin ang mga pantas ng Babilonia; dalhin mo ako sa harapan ng hari, at aking ipapaalam sa hari ang kahulugan." 25 Nang magkagayo'y nagmamadaling dinala ni Arioc si Daniel sa harapan ng hari, at sinabi ang ganito sa kaniya, "Ako'y nakatagpo sa mga bihag mula sa Juda ng isang lalaking makapagsasabi ng kahulugan sa hari." 26 Sinabi ng hari kay Daniel na ang pangalan ay Belteshasar, "Kaya mo bang ipaalam sa akin ang panaginip na aking nakita, at ang kahulugan nito?" 27 Si Daniel ay sumagot sa hari, "Walang pantas, mga engkantador, o mga salamangkero man ang makapagpapakita sa hari ng hiwaga na hiningi ng hari. 28 Ngunit may isang Diyos sa langit na naghahayag ng mga hiwaga, at kaniyang ipinaalam sa Haring Nebukadnezar kung ano ang mangyayari sa mga huling araw. Ang iyong panaginip at pangitain habang ikaw ay nakahiga sa higaan ay ang mga ito: 29 Tungkol sa iyo, O hari, habang ikaw ay nasa iyong higaan ay bumaling ang iyong mga pag-iisip kung ano ang mangyayari sa hinaharap; at siya na naghahayag ng mga hiwaga ay ipinaalam sa iyo kung ano ang mangyayari. 30 Ngunit tungkol sa akin, ang hiwagang ito ay hindi ipinahayag sa akin dahil sa anumang higit na karunungan mayroon ako kaysa sinumang may buhay, kundi upang ang kahulugan ay maipaalam sa hari, at upang iyong maunawaan ang mga nilalaman ng iyong isipan. 31 "Ikaw ay nakamasid, O hari, at nakakita ka ng isang malaking rebulto. Ang rebultong ito, makapangyarihan at lubhang makinang, ay tumayo sa harapan mo, at ang anyo nito'y kakilakilabot. 32 Ang ulo ng rebultong ito ay dalisay na ginto; ang dibdib at mga bisig nito ay pilak, ang tiyan at mga hita nito ay tanso. 33 Ang mga binti nito ay bakal, ang mga paa nito ay may bahaging bakal at may bahaging luwad. 34 Patuloy kang tumitingin hanggang sa may natibag na isang bato, hindi sa pamamagitan ng mga kamay, at ito'y tumama sa rebulto sa mga paa nitong bakal at luwad, at dinurog ang mga ito. 35 Nang magkagayon, ang bakal, ang luwad, ang tanso, ang pilak, at ang ginto ay nagkadurug-durog, at naging parang dayami sa mga giikan sa tag-araw. At ang mga ito ay tinangay ng hangin anupa't hindi matagpuan ang anumang bakas ng mga iyon. Ngunit ang bato na tumama sa rebulto ay naging malaking bundok at pinuno ang buong lupa. 36 "Ito ang panaginip; ngayo'y aming sasabihin sa hari ang kahulugan nito. 37 Ikaw, O hari, ay hari ng mga hari, na binigyan ng Diyos sa langit ng kaharian, kapangyarihan, kalakasan, at ng kaluwalhatian; 38 at saanman naninirahan ang mga anak ng mga tao, o ang mga hayop sa parang, o ang mga ibon sa himpapawid ay ibinigay niya ang mga ito sa iyong kamay, at pinamuno ka sa kanilang lahat. Ikaw ang ulong ginto. 39 Pagkatapos mo ay babangon ang ibang kaharian na mas mababa kaysa iyo; at mayroon pang ikatlong kahariang tanso na mamumuno sa buong lupa. 40 At magkakaroon ng ikaapat na kaharian, kasintibay ng bakal, sapagkat ang bakal ay nakakadurog at nakakawasak ng lahat ng bagay; at gaya ng bakal na nakakadurog, kaniyang dudurugin at babasagin ang lahat ng ito. 41 Kung paanong iyong nakita na ang mga paa at mga daliri ay may bahaging luwad ng magpapalayok at may bahaging bakal, ito ay magiging kahariang hati; ngunit ang pagiging matigas ng bakal ay tataglayin nito, yamang iyong nakita na ang bakal ay nakahalo sa luwad. 42 Kung paanong ang mga daliri ng paa ay bakal ang isang bahagi at ang isang bahagi ay luwad, ang kaharian ay may bahaging matibay at may bahaging marupok. 43 Kung paanong iyong nakita na ang bakal ay nahahaluan ng luwad, pagsasamahin nila ang kanilang mga sarili sa binhi ng mga tao, ngunit hindi sila magkakahalo, kung paanong ang bakal ay hindi humahalo sa luwad. 44 At sa mga araw ng mga haring iyon ang Diyos sa langit ay magtatatag ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman, o ang kapangyarihan man nito'y iiwan sa ibang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang iyon, at ito'y mananatili magpakailanman. 45 Kung paanong iyong nakita na ang isang bato ay natibag mula sa bundok, hindi sa pamamagitan ng kamay at dinurog ang mga bakal, ang tanso, ang luwad, ang pilak, at ang ginto, ipinaalam ng dakilang Diyos sa hari kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Ang panaginip ay totoo at ang kahulugan nito'y mapagkakatiwalaan." 46 Nang magkagayo'y nagpatirapa si Haring Nebukadnezar at nagbigay-galang kay Daniel, at nag-utos na sila'y maghandog ng alay at ng insenso sa kaniya. 47 Sumagot ang hari kay Daniel at nagsabi, "Tunay na ang inyong Diyos ay Diyos ng mga diyos, at Panginoon ng mga hari, at tagapaghayag ng mga hiwaga, yamang naipahayag mo ang hiwagang ito." 48 Nang magkagayo'y binigyan ng hari si Daniel ng mataas na karangalan at ng maraming malalaking kaloob, at kaniyang ginawa siyang tagapamahala sa buong lalawigan ng Babilonia at punong tagapamahala ng lahat ng pantas sa Babilonia. 49 At si Daniel ay humiling sa hari, at kaniyang hinirang sina Shadrac, Meshac, at Abednego, upang mamahala sa mga gawain sa lalawigan ng Babilonia; ngunit si Daniel ay namalagi sa bulwagan ng hari.

Kabanata 3

edit

1 Ang haring si Nebukadnezar ay gumawa ng isang rebultong ginto na ang taas ay siyamnapung talampakan, at ang lapad ay siyam na talampakan. Itinayo niya ito sa kapatagan ng Dura, sa lalawigan ng Babilonia. 2 At nagsugo si Haring Nebukadnezar upang tipunin ang mga tagapangasiwa ng lalawigan, mga kinatawan, mga gobernador, mga ingat-yaman, mga tagapayo, mga hukom, at ang lahat ng mga pinuno ng mga lalawigan upang pumunta sa pagtatalaga ng rebultong itinayo ng haring si Nebukadnezar. 3 At nagtipon ang mga tagapangasiwa ng lalawigan, mga kinatawan, mga gobernador, mga hukom, ang mga ingat-yaman, mga tagapayo, mga pinuno at lahat ng pinuno ng mga lalawigan sa pagtatalaga ng rebultong itinayo ng haring si Nebukadnezar. Sila'y tumayo sa harapan ng rebultong itinayo ni Nebukadnezar. 4 At malakas na ipinahayag ng tagapagbalita, "Sa inyo'y ipinag-uutos, O mga bayan, mga bansa, at mga wika, 5 na kapag inyong narinig ang tunog ng tambuli, plauta, alpa, sambuko, salterio, tambol at ng iba pang mga panugtog, kayo'y magpapatirapa at sasamba sa rebultong ginto na ipinatayo ng haring si Nebukadnezar. 6 Sinumang hindi magpatirapa at sumamba ay kaagad na ihahagis sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy." 7 Kaya't sa oras na iyon, nang marinig ng lahat ng mga bayan ang tunog ng tambuli, plauta, alpa, sambuko, salterio, at ng iba pang mga panugtog, ang lahat ng bayan, mga bansa, at mga wika, ay nagpatirapa at nagsisamba sa rebultong ginto na itinayo ng haring si Nebukadnezar. 8 Kaya't nang panahong iyon ay nagsilapit ang ilang Caldeo, at nagbigay ng mga paratang laban sa mga Judio. 9 Sila'y sumagot at sinabi sa haring si Nebukadnezar, "O hari, mabuhay ka magpakailanman! 10 Ikaw, O hari, ay gumawa ng utos na bawat taong makarinig sa tunog ng tambuli, plauta, alpa, sambuko, salterio, tambol, at ng iba pang mga panugtog, ay magpapatirapa at sasamba sa rebultong ginto. 11 At sinumang hindi magpatirapa at sumamba ay ihahagis sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy. 12 May ilang mga Judio na iyong itinalaga sa pamamahala sa lalawigan ng Babilonia na sina Shadrac, Meshac, at Abednego. O hari, ang mga lalaking ito ay hindi nakinig sa iyo. Sila'y hindi naglilingkod sa iyong mga diyos, ni nagsisisamba man sa rebultong ginto na iyong itinayo." 13 Kaya't sa poot at galit ay ipinag-utos ni Nebukadnezar na dalhin sa kaniya sina Shadrac, Meshac, at Abednego. Dinala nga nila ang mga lalaking ito sa harapan ng hari. 14 Sumagot si Nebukadnezar at sinabi sa kanila, "O Shadrac, Meshac, at Abednego, totoo ba na kayo'y hindi naglilingkod sa aking diyos, ni nagsisisamba man sa rebultong ginto na aking itinayo? 15 Mabuti kung kayo'y handa ngayon na magpatirapa at sumamba sa rebultong ginawa ko sa sandaling inyong marinig ang tunog ng tambuli, plauta, alpa, sambuko, salterio, tambol, at ng iba pang mga panugtog. Ngunit kapag kayo'y hindi sasamba, kayo'y kaagad na ihahagis sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy; at sinong diyos ang magliligtas sa inyo sa aking mga kamay?" 16 Sina Shadrac, Meshac, at Abednego ay sumagot sa hari, "O Nebukadnezar, hindi namin kailangang sagutin ka sa bagay na ito. 17 Kung mangyayari na ang aming Diyos na pinaglilingkuran namin ay makapagliligtas sa amin sa hurno ng nagniningas na apoy; ay hayaang iligtas niya kami sa iyong kamay, O hari. 18 Ngunit kung sakali mang hindi, dapat mong malaman, O hari, na hindi kami maglilingkod sa iyong mga diyos, ni sasamba man sa rebultong ginto na iyong ipinatayo." 19 Kaya't napuno ng galit si Nebukadnezar, at ang anyo ng kaniyang mukha ay nagbago laban kina Shadrac, Meshac, at Abednego. Siya'y nagsalita at iniutos na painitin ang hurno ng pitong ulit na higit kaysa dating init nito. 20 Kaniyang inutusan ang ilang magigiting na mandirigma mula sa kaniyang hukbo na gapusin sina Shadrac, Meshac, at Abednego, at sila'y ihagis sa hurno ng nagniningas na apoy. 21 Ang mga lalaking ito'y tinalian na may mga suot, may tunika, at may balabal, at may ibang mga kasuotan, at sila'y inihagis sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy. 22 Sapagkat ang utos ng hari ay pangmadalian at ang hurno ay lubhang pinainit, pinatay ng liyab ng apoy ang mga lalaking bumuhat kina Shadrac, Meshac, at Abednego. 23 Ngunit ang tatlong lalaking ito, sina Shadrac, Meshac, at Abednego, ay bumagsak na nakagapos sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy.

(Para sa mga karagdagang talata sa Kabanata 3 ng Daniel, tingnan ang: Awit ng Tatlong Kabataan)[1]

24(92) Kaya't ang haring si Nebukadnezar ay nagtaka at nagmamadaling tumindig. Sinabi niya sa kaniyang mga tagapayo, "Di ba tatlong nakagapos na lalaki ang ating inihagis sa apoy?" Sila'y sumagot sa hari, 'Totoo, O hari." 25(93) Siya'y sumagot, "Tingnan ninyo, ang nakikita ko'y apat na lalaki na hindi nakagapos na naglalakad sa gitna ng apoy at sila'y walang paso at ang anyo ng ikaapat ay gaya ng isang anak ng mga diyos." 26(94) Nang magkagayo'y lumapit si Nebukadnezar sa pintuan ng hurno ng nagniningas na apoy at sinabi, "Shadrac, Meshac, at Abednego, mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos, lumabas kayo at pumarito kayo!" Kaya't sina Shadrac, Meshac, at Abednego ay lumabas mula sa kalagitnaan ng apoy. 27(95) At ang mga tagapangasiwa ng lalawigan, mga kinatawan, mga gobernador, at ang mga tagapayo ng hari ay nagtipun-tipon at nakita na ang apoy ay hindi nagkaroon ng anumang kapangyarihan sa katawan ng mga lalaking ito. Ang mga buhok ng kanilang mga ulo ay hindi nadarang, ni nasunog man ang kanilang mga suot, ni nag-amoy apoy man sila. 28(96) Nagsalita si Nebukadnezar at sinabi, "Purihin ang Diyos nina Shadrac, Meshac, at Abednego, na nagsugo ng kaniyang anghel at nagligtas sa kaniyang mga lingkod na nagtiwala sa kaniya. Kanilang sinuway ang utos ng hari, at isinuko ang kanilang mga katawan kaysa maglingkod o sumamba sa sinumang diyos maliban sa kanilang sariling Diyos. 29(97) Kaya't ako'y nag-uutos na ang bawat bayan, bansa, at wika, na magsalita ng anumang masama laban sa Diyos nina Shadrac, Meshac, at Abednego, ay pagpuputul-putulin, at ang kanilang mga bahay ay gagawing bunton ng basura, sapagkat walang ibang diyos na makapagliligtas sa ganitong paraan." 30(98) Nang magkagayo'y, itinaas ng hari sa katungkulan sina Shadrac, Meshac, at Abednego sa lalawigan ng Babilonia.

Mga Karagdagang Kabanata sa Aklat ni Daniel[2]

edit

Kabanata 13

edit

Tingnan sa Aklat ni Susana

Kabanata 14

edit

Tingnan sa Aklat ni Bel at ang Dragon

Talababa

edit
  1. Ito'y karagdagan lamang sa Bibliya ng mga Katoliko at Ortodox
  2. Mga karagdagan lamang sa Bibliya ng mga Katoliko at mga Ortodox