Ang Ebanghelyo ayon kay Juan

 Support

137792Juan — Bibliyani Juan

Kabanata 1

edit

Ang Salita ng Buhay

1 Sa simula ay nariyan na ang Salita, at ang Salita kasama[1] ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. 2 Kasama[2] na siya ng Diyos sa simula pa lamang. 3 Lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya at kung wala siya ay hindi nagawa ang anumang bagay na ginawa.4 Nasa kaniya ang buhay; at ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao. 5 At ang ilaw ay nagliliwanag sa kadiliman ngunit ang kadiliman ay hindi ito mapagtagumpayan.

6 Naroong dumating ang isang taong sinugo ng Diyos na nagngangalang Juan. 7 Dumating siya upang maging saksi, upang sabihin sa mga tao ang tungkol sa ilaw, upang ang lahat ay makapanalig dito. 8 Hindi siya mismo ang ilaw kundi sinugo lamang upang sabihin sa iba ang tungkol sa ilaw. 9 Na ang tunay na ilaw, na nagliliwanag sa bawat tao, ay dumarating sa sanlibutan. 

10 Siya ay nasa sanlibutan at ang sanlibutan ay ginawa sa pamamagitan niya, ngunit di siya nakilala ng sanlibutan. 11 Siya'y dumating sa kaniyang sariling tahanan, ngunit hindi siya tinanggap ng kaniyang mga kababayan. 12 Ngunit sa mga tumanggap sa kaniya, sila'y binigyan niya ng kapangyarihang maging mga anak ng Diyos, yaong sa pangalan niya'y may pananalig sa kaniya. 13 Sila'y sinilang, hindi sa dugo, ni sa kagustuhan ng laman, ni sa kagustuhan ng tao, kundi ng Diyos.

14 At ang Salita ay naging laman[3] at nagtayo-ng-tolda[4] sa gitna natin, at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalahatiang gaya ng bugtong na Anak ng Ama, puspos ng biyaya at katotohanan.

15 Nagpatotoo si Juan tungkol sa kaniya at pasigaw na sinabi, "Siya itong tinukoy ko na, 'Dumarating na kasunod ko na siyang hahanay na mauna sa akin sapagkat siya'y narito na bago pa ako.'"

16At mula sa kaniyang kapuspusan na ating tinanggap, biyayang mula sa biyaya. 17 Sapagkat ang Kautusan ay ibinigay sa pamamagitan ni Moises, ngunit ang biyaya at ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. 18 Wala pang sinumang nakakita kailanman sa Diyos; ngunit ang bugtong na Anak na siyang Diyos na nasa sinapupunan ng Ama ang nagpakilala sa kaniya.

Ang Patotoo ni Juan Bautista

19 At ito ang patotoo ni Juan, nang ang mga Judio ay nagpasugo sa kaniya ng mga pari at mga Levita mula sa Jerusalem upang tanungin siya na ganito: "Sino ka?" 20 Inamin niya at hindi siya tumanggi, "Hindi po ako ang Cristo." 21 At tinanong nila siya, "Kung gayon ay sino ka? Ikaw ba si Elias?" Wika niya, " Hindi po ako." "Ikaw ba ang propeta?" At sumagot siya, "Hindi po." 22 Pagkatapos sinabi nila sa kaniya, "Sino ka? Bigyan mo kami ng sagot upang masabi namin sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?" 23 Sinabi niya, "Ako ang tinig ng taong sumisigaw sa ilang, 'Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon,' gaya ng pagkasabi ni propeta Isaias."

24 Ngayon sila'y sinugo buhat sa mga Pariseo, 25 at tinanong nila siya, "Gayon bakit ka nagbibinyag, kung hindi pala ikaw ang Cristo, ni si Elias, ni ang propeta?" 26 Sinagot sila ni Juan na ang sabi, "Ako ay nagbibinyag sa tubig, ngunit may isang nakatayo sa gitna ninyo, na hindi ninyo nakikilala. 27 Siya ay darating na kasunod ko, ngunit ako'y hindi karapat-dapat kahit magkalag man ng sintas ng kaniyang sandalyas." 28 Lahat ng ito ay nangyari sa Betania sa ibayo ng Jordan, kung saan si Juan ay nagbibinyag.

Ang Kordero ng Diyos

29 Nang sumunod na araw nakita niya si Jesus na dumarating malapit sa kaniya, at sinabi, "Narito, ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan! 30 Ito siya na binanggit ko na, 'Kasunod ko'y darating ang isang taong hahanay na una sa akin. Sapagkat siya'y narito na bago pa ako.' 31 Hindi ko siya nakilala, ngunit naparito akong nagbibibinyag sa tubig upang maihayag siya sa Israel." 32 Nagpatotoo si Juan na ang sabi, "Nakita ko ang Espiritu na bumabang buhat sa langit tulad ng isang kalapati. Ito ay nanahan sa kaniya. 33 Hindi ko siya nakilala ngunit ang nagsugo sa akin upang magbinyag sa pamamagitan ng tubig ay siya ring nagsabi sa akin, "Kung kanino mo makikitang bababa at mananahan ang Espiritu, siya ang magbibinyag sa Espiritu Santo. 34 Nakita ko at pinatotohanan na siya ang Anak ng Diyos.

Ang Unang mga Alagad ni Jesus

35 Nang kinabukasang muli, si Juan ay nakatayo kasama ang dalawa sa kaniyang mga alagad. 36 At nakita niya si Jesus at sinabi, "Narito, ang Kordero ng Diyos!"

37 Narinig ng dalawang alagad nang siya ay magsalita. Sumunod sila kay Jesus. 38 Paglingon ni Jesus ay nakita silang sumusunod. Sinabi niya sa kanila, "Ano ang inyong hinahanap?" Sinabi nila sa kaniya, "Rabi (na ang kahulugan ay Guro), saan ka nakatira?" 39 Sinabi niya sa kanila, "Halikayo at inyong tingnan." Sila ay pumaroon at nakita nila ang kaniyang tinitirahan. Nanatili silang kasama niya nang araw na iyon, noon ay mag-iikasampu na ang oras.[5]

40 Ang isa sa dalawang nakarinig ng pagsasalita ni Juan, at sumunod sa kaniya, ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. 41 Una niyang nasumpungan ang kaniyang sariling kapatid na si Simon, at sinabi sa kaniya, "Nasumpungan namin ang Mesias" (na ang kahulugan ay ang Cristo). 42 Siya'y kaniyang dinala kay Jesus. Tiningnan siya ni Jesus, at sinabi, "Ikaw ay si Simon na anak ni Juan, tatawagin kang Cefas" (na ang kahulugan ay Pedro).[6]

Ang Pagkakatawag kay Felipe at Nathaniel

43 Nang kinabukasan ay pinasiyahan niyang pumaroon sa Galilea, at nasumpungan niya si Felipe: at sinabi ni Jesus sa kaniya, Sumunod ka sa akin. 44 Si Felipe nga ay taga-Betsaida, sa bayan ni Andres at ni Pedro. 45 Nasumpungan ni Felipe si Natanael, at sinabi sa kaniya, "Nasumpungan namin siyang isinulat ni Moises sa Kautusan, at gayon din ng mga propeta, si Jesus na taga-Nazaret, na anak ni Jose." 46 At sinabi sa kaniya ni Natanael, "Mangyayari bang lumitaw ang anumang magaling na bagay sa Nazaret?" Sinabi sa kaniya ni Felipe, "Pumarito ka at tingnan mo."

47 Nakita ni Jesus si Natanael na lumalapit sa kaniya, at sinabi ang tungkol sa kaniya, "Narito, ang isang tunay na Israelita, na sa kaniya'y walang daya!" 48 Sinabi sa kaniya ni Natanael, "Saan mo ako nakilala?" Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, "Bago ka pa tinawag ni Felipe, nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos, ay nakita kita." 49 Sumagot si Natanael sa kaniya, "Rabi, ikaw ang Anak ng Diyos; ikaw ang Hari ng Israel." 50 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, "Dahil ba sa sinabi ko sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos, kaya ka sumasampalataya? Makikita mo ang mga bagay na lalong dakila kaysa rito." 51 At sinabi niya sa kaniya, "Amen, amen, sinasabi ko sa iyo, makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Diyos na nagmamanhik-manaog sa ibabaw ng Anak ng Tao."

Kabanata 2

edit


1 At nang ikatlong araw, may isang kasalan sa Cana sa Galilea, at naroon ang ina ni Jesus. 2 Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay inanyayahan din sa kasalan. 3 At nang kapusin ng alak, sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Wala na silang alak.” 4 At sinabi ni Jesus sa kanya, “Anong kinalaman niyon sa iyo at sa akin, O Babae?[7] Ang aking oras ay hindi pa dumarating.” 5 Sinabi ng kanyang ina sa mga naglilingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.” 6 Mayroon sa katunayang tumatayong anim na bangang bato, na nakalaan alinsunod sa kaugaliang paglilinis ng mga Judio, bawat-isa'y naglalaman ng dalawa o tatlong sukat.[8] 7 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Punuin ninyo ng tubig ang mga banga.” At pinuno nga nila ang mga ito hanggang sa labi. 8 Pagkatapos, sinabi niya, “Kumuha kayo ng kaunti at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.” Dinalhan nga nila ang namamahala ng handaan, at 9 tinikman nito ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling iyon, subalit alam ng mga sumalok ng tubig. Kaya't tinawag niya ang lalaking ikinasal 10 at sinabi, “Ang masarap na alak ay unang inihahain; kapag marami nang nainom ang mga tao, saka inihahain ang mababang uri. Ngunit sa huli ninyo inilabas ang masarap na alak!” 11 Ang nangyaring ito sa Cana sa Galilea ang unang himalang ginawa ni Jesus. Sa pamamagitan nito'y inihayag niya ang kanyang kapangyarihan at nanalig sa kanya ang mga alagad. 12 Pagkatapos nito, pumunta si Jesus sa Capernaum, kasama ang kanyang ina, mga kapatid, at mga alagad. Sila'y nanatili roon nang ilang araw.

13 At malapit na ang paskua ng mga Judio, at umahon si Jesus sa Jerusalem. 14 At nasumpungan niya sa templo ang mga nagbibili ng mga baka at mga tupa at mga kalapati, at ang mga mamamalit ng salapi na nakaupo. 15 At ang mga lubid ay ginawa niyang isang panghampas, itinaboy niyang lahat sa templo ang mga tupa at gayon din ang mga baka; at ibinubo niya ang salapi ng mga mamamalit, at ginulo ang kilang mga dulang; 16 At sinabi niya sa nagbibili ng mga kalapati, "Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito; huwag ninyong gawing bahay-kalakal ang bahay ng aking Ama."

17 Nalaala ng kanyang mga alagad na nasusulat, "Ang sigasig[9] sa iyong bahay ay tinutumpok ako." 18 Ang mga Judio nga'y sumagot at sinabi sa kanya, "Anong tanda ang maipakikita mo sa amin, yamang ginawa mo ang mga bagay na ito?" 19 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, "Gibain ninyo ang banal na dakong ito at itatayo ko sa loob ng tatlong araw." 20 Sinabi nga ng mga Judio, "Apatnapu't anim na taon ang pagtatayo ng banal na dakong ito at itatayo mo sa loob ng tatlong araw?" 21 Ngunit ang banal na dako na kanyang tinutukoy ay ang kanyang katawan. 22 Nang ibinangon nga siya mula sa mga patay ay naalala ng kanyang mga alagad na sinabi niya ito sa kanila. Sumampalataya sila sa kasulatan at sa salita na sinabi ni Jesus.

23 Nang siya ay nasa Jerusalem nang kapistahan ng Paskuwa, marami ang sumampalataya sa kanyang pangalan, nang kanilang makita ang mga ginawa niyang tanda. 24 Gayunman hindi ipinagkatiwala ni Jesus ang kanyang sarili sa kanila dahil nakikilala niya ang lahat. 25 at hindi niya kailangan ang sinuman upang magpatotoo tungkol sa tao, sapagkat alam niya ang isinasaloob ng tao.

Kabanata 3

edit

1 May isang lalaki sa mga Fariseo na nagngangalang Nicodemo, isang pinuno ng mga Judio. 2 Isang gabi, pumunta siya kay Jesus at sinabi, “Rabi, nalalaman po naming kayo'y isang tagapagturong mula sa Diyos, sapagkat walang makakagawa ng mga himalang ginagawa ninyo maliban kung sumasainyo ang Diyos.” 3Sumagot si Jesus, “Amen, amen, sinasabi ko sa iyo, malibang ipanganak mula-sa-itaas[10] ang isang tao, hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.” 4 Sinabi ni Nicodemo sa kanya, “Paanong maipapanganak pang muli ang isang taong matanda na? Makakapasok pa ba siya sa sinapupunan ng kanyang ina at muling isilang?” 5 Sagot naman ni Jesus, “Amen, amen, sinasabi ko sa iyo, malibang ang isang tao ay ipanganak sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos. 6 Ang taong ipinanganak ayon sa laman ay laman, at ang ipinanganak ayon sa Espiritu ay espiritu. 7 Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo, ‘kayong lahat ay kailangang ipanganak mula sa itaas.' 8 Humihinga ang Espiritu [11] kung saan nito nais at naririnig mo ang ugong nito, ngunit hindi mo alam kung saan ito nanggagaling at kung saan pupunta. Gayon ang bawat ipinanganak ayon sa Espiritu.” 9 Sumagot si Nicodemo at sinabi sa kanya, "Papaano mangyayari ang mga bagay na ito?" 10Sumagot si Jesus, “Guro ka pa naman sa Israel, hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito? 11 Amen, amen, sinasabi ko sa iyo, ang sinasabi namin ay nalalaman namin, at ang pinapatotohanan namin ay nasaksihan namin, subalit hindi ninyo tinatanggap ang aming patotoo. 12Kunghindi ninyo pinaniniwalaan ang mga sinasabi ko tungkol sa mga bagay dito sa mundo, paano pa ninyo mapapaniwalaan ang sasabihin ko tungkol sa mga bagay doon sa langit? 13Walapang sinumang umakyat sa langit kundi ang bumabâ mula sa langit, ang Anak ng Tao.” 14At kung paanong itinaas ni Moises ang tansong ahas doon sa ilang, gayundin naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, 15 upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. 16 Sapagkat gayon na lamang inibig ng Diyos ang sanlibutan, kaya't ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan. 17Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang mga tao, kundi upang iligtas ang mga ito sa pamamagitan niya. 18Hindi hinahatulang maparusahan ang sumasampalataya sa Anak. Ngunit hinatulan na ang hindi sumasampalataya, sapagkat hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos. 19 Ganito ang paghatol ng Diyos: naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat ang kanilang mga gawain ay masasama. 20 Kinasusuklaman ng mga gumagawa ng masama ang ilaw, ni hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanilang mga gawa. 21 Ngunit ang namumuhay ayon sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang maihayag na ang mga ginagawa niya ay pagsunod sa Diyos.

Kabanata 4

edit

Si Jesus at ang Babaing Samaritana

1 Nang malaman ni Jesus na nabalitaan ng mga Fariseo na siya ay gumagawa at nagbabautismo ng mas maraming alagad kaysa kay Juan,

2 (kahit hindi nagbabautismo si Jesus, kundi ang kanyang mga alagad)

3 umalis siya sa Judea at muling bumalik sa Galilea.

4 Subalit kailangang dumaan siya sa Samaria.

5 Sumapit siya sa isang lunsod ng Samaria na tinatawag na Sicar, malapit sa bahagi ng lupang ibinigay ni Jacob kay Jose na kanyang anak.

6 Naroon ang balon ni Jacob. Nang pagod na si Jesus sa kanyang paglalakbay, naupo siya sa tabi ng balon. Noon ay malapit nang magtanghaling-tapat.

7 Dumating ang isang babaing Samaritana upang umigib ng tubig. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bigyan mo ako ng inumin.”

8 Sapagkat ang kanyang mga alagad ay pumunta sa lunsod upang bumili ng pagkain.

9 Sinabi sa kanya ng babaing Samaritana, “Paanong nangyari na ikaw na isang Judio, ay humihingi ng maiinom sa akin na isang babaing Samaritana? (Sapagkat hindi nakikisama ang mga Judio sa mga Samaritano.)

10 Sumagot si Jesus, “Kung nalalaman mo ang kaloob ng Diyos, at kung sino ang sa iyo'y nagsasabi, ‘Bigyan mo ako ng inumin;’ ikaw ay hihingi sa kanya, at ikaw ay bibigyan niya ng tubig na buháy.”

11 Sinabi sa kanya ng babae, “Ginoo, wala kang pansalok ng tubig, at malalim ang balon. Saan ka ngayon kukuha ng tubig na buháy?

12 Higit ka bang dakila kaysa sa aming amang si Jacob na sa ami'y nagbigay ng balon, at dito'y uminom siya, pati ang kanyang mga anak, at ang kanyang mga hayop?”

13 Sumagot si Jesus sa kanya, “Ang bawat uminom ng tubig na ito ay muling mauuhaw,

14 subalit ang sinumang umiinom ng tubig na aking ibibigay ay hindi na mauuhaw magpakailanman. Ang tubig na aking ibibigay sa kanya ay magiging isang bukal ng tubig tungo sa buhay na walang hanggan.

15 Sinabi sa kanya ng babae, “Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito upang ako'y hindi na mauhaw o pumarito pa upang umigib.”

16 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Umalis ka na! Tawagin mo ang iyong asawa at bumalik ka rito.”

17 Ang babae ay sumagot sa kanya, “Wala akong asawa.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tama ang sabi mo, ‘Wala akong asawa;’

18 sapagkat nagkaroon ka na ng limang asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo ang sinabi mong ito.”

19 Sinabi sa kanya ng babae, “Ginoo, nakikita kong ikaw ay isang propeta.

20 Sumamba ang aming mga ninuno sa bundok na ito; ngunit sinasabi ninyo na ang lugar na dapat pagsambahan ng mga tao ay sa Jerusalem.”

21 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Babae, maniwala ka sa akin na darating ang oras na inyong sasambahin ang Ama, hindi sa bundok na ito o sa Jerusalem.

22 Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala. Sinasamba namin ang nakikilala namin sapagkat ang kaligtasan ay mula sa mga Judio.

23 Subalit dumarating ang oras at ngayon na nga, na sasambahin ng mga tunay na sumasamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat hinahanap ng Ama ang gayong mga sumasamba sa kanya.

24 Ang Diyos ay espiritu, at ang mga sumasamba sa kanya ay kailangang sumamba sa espiritu at katotohanan.”

25 Sinabi ng babae sa kanya, “Nalalaman ko na darating ang Mesiyas (ang tinatawag na Cristo). Pagdating niya, ay ipahahayag niya sa amin ang lahat ng mga bagay.”

26 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako nga iyon na kumakausap sa iyo!”

27 Nang oras na iyon ay dumating ang kanyang mga alagad. Sila'y nagtaka na siya'y nakikipag-usap sa isang babae, subalit walang nagsabi, “Ano ang gusto mo?” o, “Bakit ka nakikipag-usap sa kanya?”

28 Kaya't iniwan ng babae ang kanyang banga ng tubig at pumunta sa lunsod, at sinabi sa mga tao,

29 “Halikayo, tingnan ninyo ang isang tao na nagsabi sa akin ng lahat ng mga bagay na aking ginawa. Ito na nga kaya ang Cristo?”

30 Lumabas sila sa lunsod, at pumunta sa kanya.

31 Samantala, hinimok siya ng kanyang mga alagad, “Rabi, kumain ka.”

32 Subalit sinabi niya sa kanila, “Ako'y may pagkain na hindi ninyo nalalaman.”

33 Kaya't sinabi ng mga alagad sa isa't isa, “May nagdala kaya sa kanya ng pagkain?”

34 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang pagkain ko ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang kanyang gawain.

35 Hindi ba sinasabi ninyo, ‘May apat na buwan pa at darating na ang pag-aani?’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, masdan ninyo ang inyong paligid at inyong tingnan ang mga bukid na mapuputi na upang anihin.

36 Ang umaani ay tumatanggap ng upa, at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan, upang ang naghahasik at ang umaani ay magkasamang magalak.

37 Sapagkat dito'y totoo ang kasabihan, ‘Isa ang naghahasik, at iba ang umaani.’

38 Kayo'y sinugo ko upang anihin ang hindi ninyo pinagpaguran; iba ang nagpagod at kayo'y pumasok sa kanilang pinagpaguran.”

39 At marami sa mga Samaritano sa lunsod na iyon ang sumampalataya sa kanya dahil sa sinabi ng babae, na nagpatotoo, “Sinabi niya sa akin ang lahat ng mga bagay na aking ginawa.”

40 Kaya nang dumating sa kanya ang mga Samaritano, nakiusap sila sa kanya na manatili sa kanila; at siya'y nanatili roon ng dalawang araw.

41 At marami pang sumampalataya sa kanya dahil sa kanyang salita.

42 Sinabi nila sa babae, “Ngayo'y sumampalataya kami, hindi dahil sa iyong sinabi, sapagkat kami mismo ay nakarinig at nalalaman naming ito nga ang Tagapagligtas ng sanlibutan.”

Pinagaling ni Jesus ang Anak ng Isang Pinuno

43 Pagkaraan ng dalawang araw ay umalis siya roon at nagtungo sa Galilea,

44 sapagkat si Jesus din ang nagpatotoo na ang isang propeta ay walang karangalan sa kanyang sariling lupain.

45 Kaya't nang siya'y dumating sa Galilea ay tinanggap siya ng mga taga-Galilea, nang kanilang makita ang lahat ng mga bagay na kanyang ginawa sa Jerusalem sa kapistahan, sapagkat sila ay pumunta rin sa kapistahan.

46 Pagkatapos ay pumunta siyang muli sa Cana ng Galilea na doo'y kanyang ginawang alak ang tubig. At sa Capernaum ay naroroon ang isang pinuno ng pamahalaan na ang anak na lalaki ay maysakit.

47 Nang mabalitaan niya na si Jesus ay dumating sa Galilea mula sa Judea, pumunta siya roon at nakiusap sa kanya na siya'y pumunta at pagalingin ang kanyang anak na lalaki sapagkat siya'y malapit nang mamatay.

48 Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Malibang makakita kayo ng mga tanda at mga kababalaghan ay hindi kayo mananampalataya.”

49 Sinabi ng pinuno sa kanya, “Ginoo, pumunta ka na bago mamatay ang aking anak.”

50 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka na, ang anak mo ay mabubuhay.” Pinaniwalaan ng lalaki ang salitang sinabi sa kanya ni Jesus, at siya'y humayo sa kanyang lakad.

51 Habang siya'y papunta, sinalubong siya ng kanyang mga alipin na nagsasabing ang kanyang anak ay buháy na.

52 Kaya't itinanong niya sa kanila ang oras nang siya'y nagsimulang gumaling. At sinabi nila sa kanya, “Kahapon, nang ika-isa ng hapon, nawalan siya ng lagnat.”

53 Kaya't nalaman ng ama na sa oras na iyon ay sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang anak mo ay mabubuhay.” Kaya't siya'y sumampalataya, at ang kanyang buong sambahayan.

54 Ito ang ikalawang tanda na ginawa ni Jesus pagkatapos na siya'y pumunta sa Galilea mula sa Judea.

Kabanata 5

edit

Pinagaling ang Isang Lumpo

1 Pagkatapos ng mga bagay na ito'y nagkaroon ng pista ang mga Judio; at umahon si Jesus sa Jerusalem.

2 Sa Jerusalem nga'y may isang tangke sa tabi ng tarangkahan ng mga tupa, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Betesda[12], na may limang portiko.

3 Na sa mga ito ay nakahandusay ang marami sa kanilang mga maysakit, mga bulag, mga pilay, mga natutuyo [na nagsisipaghintay ng pagkalawkaw ng tubig. 4 Sapagkat lumulusong ang isang anghel ng Panginoon sa mga tanging panahon sa tangke at kinakalawkaw ang tubig: at ang unang manaog sa tangke, pagkatapos na makalawkaw ang tubig ay gumagaling sa anomang sakit na dinaramdam.]

5 At naroon ang isang lalaki, na may tatlongpu't walong taon nang maysakit.

6 Nang makita ni Jesus na siya'y nakahandusay, at mapagkilalang siya'y malaon nang panahong maysakit, ay sinabi niya sa kaniya, "Ibig mo bagang gumaling?"

7 Sumagot sa kaniya ang lalaking maysakit, "Ginoo, wala ng taong maglusong sa akin sa tangke, pagkalawkaw sa tubig: datapuwat samantalang ako'y naparoroon, ay nakalusong na muna ang iba bago ako."

8 Sinabi sa kaniya ni Jesus, "Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka."

9 At pagdaka'y gumaling ang lalaki, at binuhat ang kaniyang higaan at lumakad. Noon nga'y araw ng Sabbath.

10 Kaya sinabi ng mga Judio sa kaniya na pinagaling, "Ito'y araw ng Sabbath, at hindi matuwid na buhatin mo ang iyong higaan."

11 Ngunit sila'y sinagot niya, "Ang nagpagaling sa akin, ang siya ring sa akin ay nagsabi, Buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka."

12 Tinanong nila siya, "Sino ang taong sa iyo'y nagsabi, Buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka?"

13 Ngunit hindi nakikilala ng pinagaling kung sino siya; sapagkat si Jesus ay humiwalay, palibhasa'y may isang karamihan sa dakong yaon.

14 Pagkatapos ay nasumpungan siya ni Jesus sa templo, at sa kaniya'y sinabi, "Narito, ikaw ay gumaling na: huwag ka nang magkasala, baka mangyari pa sa iyo ang lalong masama."

15 Umalis ang tao, at sinaysay sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kaniya.

16 At dahil dito'y pinag-uusig ng mga Judio si Jesus, sapagkat ginagawa niya ang mga bagay na ito sa araw ng Sabbath.

17 Datapuwat sinagot sila ni Jesus, "Hanggang ngayo'y gumagawa ang aking Ama, at ako'y gumagawa."

18 Dahil dito nga'y lalo nang pinagsikapan ng mga Judio na siya'y patayin, sapagkat hindi lamang sinira ang araw ng Sabbath, kundi tinatawag din naman na kaniyang sariling Ama ang Diyos, na siya'y nakikipantay sa Diyos.

Ang Kapangyarihan ng Anak

19 Sumagot nga si Jesus at sinabi sa kanila, "Amen, amen, sinasabi ko sa inyo, Hindi makagagawa ang Anak ng anuman sa kaniyang sarili kundi ang makita niyang gawin ng Ama; sapagkat ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa, ay ang mga ito rin naman ang ginagawa ng Anak sa gayon ding paraan. 20 Sapagkat sinisinta ng Ama ang Anak, at sa kaniya'y ipinakikita ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa: at lalong dakilang mga gawa kay sa mga ito ang sa kaniya'y ipakikita niya, upang kayo'y magsipanggilalas."

21 "Sapagkat kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at sila'y binubuhay, gayon din naman binubuhay ng Anak ang kaniyang mga ibigin. 22 Sapagkat ang Ama'y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol; 23 Upang papurihan ng lahat ang Anak, na gaya rin ng kanilang pagpapapuri sa Ama. Ang hindi nagpapapuri sa Anak ay hindi nagpapapuri sa Ama na sa kaniya'y nagsugo."

24 "Amen, amen, sinasabi ko sa inyo, Ang dumirinig ng aking salita, at sumasampalataya sa kaniya na nagsugo sa akin, ay may buhay na walang hanggan, at hindi mapapasok sa paghatol, kundi lumipat na sa kabuhayan mula sa kamatayan."

25 "Amen, amen, sinasabi ko sa inyo, Dumarating ang panahon, at ngayon nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos; at ang mangakarinig ay mangabubuhay. 26 Sapagkat kung paanong ang Ama ay may buhay sa kaniyang sarili, ay gayon din namang pinagkalooban niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kaniyang sarili: 27 At binigyan niya siya ng kapamahalaang makahatol, sapagkat siya'y anak ng tao. 28 Huwag ninyong ipanggilalas ito: sapagka't dumarating ang oras, na ang lahat ng nangasa libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig, 29 At magsisilabas; ang mga nagsigawa ng mabuti, ay sa pagkabuhay na maguli sa buhay; at ang mga nagsigawa ng masama, ay sa pagkabuhay na maguli sa paghatol."

Mga Patotoo kay Jesus

30 "Hindi ako makagagawa ng anoman sa aking sarili: humahatol ako ayon sa aking naririnig: at ang paghatol ko'y matuwid; sapagka't hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin. 31 Kung ako'y nagpapatotoo sa aking sarili, ang patotoo ko ay hindi katotohanan. 32 Iba ang nagpapatotoo sa akin; at talastas ko na ang patotoong isinasaksi niya sa akin ay totoo. 33 Kayo'y nangagsugo kay Juan, at siya'y nagpatotoo sa katotohanan."

34 "Datapuwat ang patotoo ay hindi mula sa tao: gayon ma'y sinasabi ko ang mga bagay na ito, upang kayo'y mangaligtas. 35 Siya ang ilawang nagniningas at lumiliwanag; at inibig ninyong kayo'y mangagkatuwang sumandali sa kaniyang liwanag."

36 "Datapuwat ang aking pagpapatotoo ay lalong dakila kay sa kay Juan; sapagka't ang mga gawang ibinigay sa akin ng aking Ama upang ganapin, ang gayon ding mga gawa na aking ginagawa, ay nagpapatotoo tungkol sa akin, na ako'y sinugo ng Ama."

37 "At ang Ama na nagsugo sa akin, ay siyang nagpatotoo tungkol sa akin. Kailan ma'y hindi ninyo narinig ang kaniyang tinig, ni hindi man ninyo nakita ang kaniyang anyo. 38 At kayo'y walang salita niya na nananatili sa inyo: sapagka't hindi kayo nagsisisampalataya sa kaniyang sinugo."

39 "Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka't iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito'y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin. 40 At ayaw kayong magsilapit sa akin, upang kayo'y magkaroon ng buhay. 41 Hindi ako tumatanggap ng kaluwalhatiang mula sa mga tao. 42 Datapuwat nakikilala ko kayo, na kayo'y walang pag-ibig ng Diyos sa inyong sarili."

43 "Naparito ako sa pangalan ng aking Ama, at ayaw ninyo akong tanggapin: kung iba ang pumarito sa kaniyang sariling pangalan, ay siya ninyong tatanggapin. 44 Paanong kayo'y makapananampalataya, kayong nangagtatanggapan sa isa't isa ng kaluwalhatian at hindi ninyo pinaghahanap ang kaluwalhatiang nanggagaling sa tanging Diyos?"

45 "Huwag ninyong isiping ako ang sa inyo'y magsusumbong sa Ama: may isang magsusumbong sa inyo, sa makatuwid baga'y si Moises, yaong pinaglagakan ninyo ng inyong pagasa. 46 Sapagkat kung kayo'y nagsisisampalataya kay Moises, ay magsisisampalataya kayo sa akin; sapagkat tungkol sa akin siya'y sumulat. 47 Ngunit kung hindi kayo nagsisipaniwala sa kaniyang mga sulat, ay paanong magsisisampalataya kayo sa aking mga salita?"

Kabanata 10

edit

1 “Amen, amen, sinasabi ko sa inyo, ang pumapasok sa hindi pintuan ng kulungan ng mga tupa kundi umaakyat sa ibang daan, ang taong iyon ay tulisan at magnanakaw. 2 Ngunit ang pumapasok sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa. 3 Pinagbubuksan siya ng bantay sa pinto; at pinapakinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa pangalan, at sila'y inihahatid papalabas. 4 Kapag nailabas na niya ang lahat ng kanya, ay nangunguna siya sa kanila at sumusunod sa kanya ang mga tupa, sapagkat kilala nila ang kanyang tinig. 5 Ngunit hindi sila susunod kailanman sa iba, kundi lalayo sila sa kanya, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng iba.”

6 Sinabi ni Jesus sa kanila ang paghahambing na ito, subalit hindi nila naunawaan ang mga bagay na sinasabi niya sa kanila.

7 Kaya't muling sinabi sa kanila ni Jesus, “Amen, amen, sinasabi ko sa inyo, ako ang pintuan ng mga tupa. 8 Ang lahat ng nauna sa akin ay mga tulisan at mga magnanakaw, subalit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. 9 Ako ang pintuan. Ang sinumang pumasok sa pamamagitan ko ay maliligtas, at papasok at lalabas, at makakatagpo ng pastulan. 10 Ang magnanakaw ay dumarating lamang upang magnakaw, pumatay, at pumuksa. Ako'y pumarito upang sila'y magkaroon ng buhay, at magkaroon nito nang ganap at kasiya-siya."

11 Ako ang mabuting pastol. Ibinibigay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa. 12 Ang upahan at hindi pastol, at hindi may-ari ng mga tupa, nang makitang dumarating ang asong-gubat ay pinababayaan ang mga tupa at tumatakas. At inaagaw sila ng asong-gubat, at ikinakalat. 13 Siya'y tumatakas sapagkat siya'y upahan, at walang malasakit sa mga tupa. 14 Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang sariling akin, at kilala ako ng sariling akin. 15 Gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama, at ng pagkakilala ko sa Ama, at ibinibigay ko ang aking buhay para sa mga tupa. 16 Mayroon akong ibang mga tupa na wala sa kulungang ito. Kailangan ko rin silang dalhin dito at kanilang papakinggan ang aking tinig. Kaya't magkakaroon ng isang kawan na may isang pastol.

17 Dahil dito'y minamahal ako ng Ama, sapagkat ibinibigay ko ang aking buhay, upang ito'y kunin kong muli. 18 Walang nag-aalis nito sa akin, kundi kusa kong ibinibigay. May kapangyarihan akong ibigay ito, at may kapangyarihan akong kunin itong muli. Tinanggap ko ang utos na ito mula sa aking Ama.”

19 At muling nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa mga Judio dahil sa mga salitang ito. 20 At marami sa kanila ang nagsasabi, “Mayroon siyang demonyo, at siya'y nauulol, bakit ninyo siya pinapakinggan?” 21 Sinasabi naman ng iba, “Hindi ito ang mga salita ng isang may demonyo. Kaya ba ng demonyo na magbukas ng mga mata ng bulag?”

22 Nang panahong iyon, sa Jerusalem ay kapistahan ng Pagtatalaga. Noon ay tagginaw, 23 at naglalakad si Jesus sa templo sa portiko ni Solomon. 24 Kaya't pinalibutan siya ng mga Judio, at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo kami ilalagay sa alanganin? Kung ikaw ang Cristo, sabihin mong maliwanag sa amin.”

25 Sinagot sila ni Jesus, “Sinabi ko na sa inyo, at hindi kayo naniwala. Ang mga gawang ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ay siyang nagpapatotoo sa akin. 26 Subalit hindi kayo naniwala, sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. 27 Pinapakinggan ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila'y aking kilala, at sila'y sumusunod sa akin. 28 Sila'y binibigyan ko ng buhay na walang hanggan, at kailanma'y hindi sila mapapahamak, at hindi sila aagawin ng sinuman sa aking kamay. 29 Ang mga ibinigay sa akin ng aking Ama ay higit na dakila kaysa lahat, at walang makakaagaw ng mga ito sa kamay ng Ama.[13] 30 Ako at ang Ama ay iisa.”

31 Muling dumampot ng mga bato ang mga Judio upang siya'y batuhin. 32 Sinagot sila ni Jesus, “Maraming mabubuting gawa mula sa Ama ang ipinakita ko sa inyo. Alin sa mga gawang iyon ang dahilan at babatuhin ninyo ako?”

33 Sumagot sa kanya ang mga Judio, “Hindi dahil sa mabuting gawa ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan. Sapagkat ikaw, na isang tao, ay nag-aangkin na Diyos.”

34 Sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba nasusulat sa inyong kautusan, ‘Aking sinabi, kayo'y mga diyos?’ 35 Kung tinawag niyang mga diyos ang mga dinatnan ng salita ng Diyos (at hindi maaaring masira ang kasulatan), 36 sinasabi ba ninyo tungkol sa kanya na hinirang ng Ama at sinugo sa sanlibutan, ‘Ikaw ay lumalapastangan,’ sapagkat sinasabi ko, ‘Ako ay Anak ng Diyos?’ 37 Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking Ama, ay huwag kayong sumampalataya sa akin. 38 Subalit kung ginagawa ko, kahit hindi kayo sumampalataya sa akin, ay sumampalataya kayo sa mga gawa; upang inyong malaman at maunawaan na ang Ama ay nasa akin, at ako'y nasa Ama.”

39 Muli nilang pinagsikapang siya'y hulihin, subalit siya'y tumakas sa kanilang mga kamay.

40 Siya'y muling pumunta sa kabila ng Jordan, sa pook na noong una'y pinagbautismuhan ni Juan, at siya'y nanatili doon. 41 Marami ang pumunta sa kanya at kanilang sinabi, “Si Juan ay hindi gumawa ng tanda, ngunit lahat ng mga bagay na sinabi ni Juan tungkol sa taong ito ay totoo.”

42 At marami ang sumampalataya sa kanya roon.

Kabanata 15

edit

1 Ako ang tunay na puno-ng-ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga. 2 Bawat sangang nasa aki'y di nagbubunga, ito'y inaalis niya, at ang bawat-isa na nagbubunga, ito'y nililinis niya upang lalong mamunga. 3 Kayo'y malilinis na sa pamamagitan ng salita na sinalita ko sa inyo. 4 Manatili kayo sa akin, at ako'y sa inyo. Gaya ng sanga na di makapagbunga sa kanyang sarili maliban na nakakabit sa puno; gayon din naman kayo, maliban na kayo'y manatili sa akin. 5 Ako ang puno-ng-ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako'y sa kanya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagkat wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin. 6 Kung ang sinuman ay hindi manatili sa akin, ay siya'y matatapong katulad ng sanga, at matutuyo; at mga titipunin at mga ihahagis sa apoy, at masusunog. 7 Kung kayo'y manatili sa akin, at ang mga salita ko'y manatili sa inyo, ay hingin ninyo ang anumang inyong ibigin, at gagawin sa inyo. 8 Sa ganito'y lumuluwalhati ang aking Ama, na kayo'y magsipagbunga ng marami; at gayon kayo'y magiging aking mga alagad. 9 Kung paanong inibig ako ng Ama, ay gayon din naman iniibig ko kayo, magsipanatili kayo sa aking pag-ibig. 10 Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay manahan kayo sa aking pag-ibig; gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig. 11 Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang ang aking kagalakan ay mapasa inyo, at upang ang inyong kagalakan ay malubos. 12 Ito ang aking utos, na kayo'y mag-ibigan sa isa't isa, na gaya ng pag-ibig ko sa inyo. 13 Walang nang lalong dakilang pag-ibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kanyang buhay dahil sa kanyang mga kaibigan. 14 Kayo'y aking mga kaibigan, kung gawin ninyo ang mga bagay na aking iniuutos sa inyo. 15 Hindi ko na kayo tatawaging mga alipin; sapagkat hindi nalalaman ng alipin kung ano ang ginagawa ng kaniyang panginoon, ngunit tinatawag ko kayong mga kaibigan; sapagkat ang lahat ng mga bagay na narinig ko sa aking Ama ay mga ipinakilala ko sa inyo. 16 Ako'y hindi ninyo hinirang, nguni't kayo'y hinirang ko, at aking kayong inihalal, upang kayo'y magsiyaon at mamunga, at upang manatili ang inyong bunga: upang ang anumang inyong hingin sa Ama sa aking pangalan, ay maibigay niya sa inyo. 17 Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo, upang kayo'y mag-ibigan sa isa't isa. 18 Kung kayo'y kinapupootan ng sanlibutan, ay inyong talastas na ako muna ang kinapootan bago kayo. 19 Kung kayo'y taga sanlibutan, ay iibigin ng sanlibutan ang kanyang sarili: ngunit sapagkat kayo'y hindi taga-sanlibutan, kundi kayo'y hinirang ko sa sanlibutan, kaya napupoot sa inyo ang sanlibutan. 20 Alalahanin ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo. Ang alipin ay hindi dakila kaysa kanyang panginoon. Kung ako'y kanilang pinag-usig, kayo man ay kanilang pag-uusigin din; kung tinupad nila ang aking salita, ang inyo man ay tutuparin din. 21 Datapuwat ang lahat ng mga bagay na ito ay gagawin nila sa inyo dahil sa aking pangalan, sapagkat hindi nila nakikilala ang nagsugo sa akin. 22 Kung hindi sana ako naparito at nagsalita sa kanila, ay hindi sila magkakaroon ng kasalanan, datapuwat ngayo'y wala na silang madadahilan sa kanilang kasalanan. 23 Ang napupoot sa akin ay napupoot din naman sa aking Ama. 24 Kung ako sana'y hindi gumawa sa gitna nila ng mga gawang hindi ginawa ng sinumang iba, ay hindi sana sila nangagkaroon ng kasalanan, datapuwat ngayon ay kanilang nakita at kinapootan nila ako at ang aking Ama. 25 Ngunit nangyari ito, upang matupad ang salitang nasusulat sa kanilang kautusan, Ako'y kinapootan nila na walang kadahilanan. 26 Datapuwat pagparito ng Mangaaliw, na aking susuguin sa inyo mula sa Ama, sa makatuwid ay ang Espiritu ng Katotohanan, na nagbubuhat sa Ama, ay siyang magpapatotoo sa akin. 27 At kayo naman ay magpapatotoo, sapagkat kayo'y nakasama ko buhat pa nang una.

Kabanata 21

edit

Ang Pagpapakita ni Jesus sa Pitong Alagad

1 Pagkatapos ng mga ito, muling nagpakita si Jesus sa mga alagad sa Dagat ng Tiberias. Sa gayong paraan nagpakita siya. 2 Naroon sina Simon Pedro, Tomas na tinaguriang Kambal, Nathanael na mula sa Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa kanyang mga alagad. 3 Sinabi ni Simon Pedro sa kanila, “Mangingisda ako.” “Sasamahan ka namin,” sabi nila. Umalis sila at sumakay ng bangka. Subalit nang gabing iyon, wala silang nahuli.

4 Pagsapit ng bukang-liwayway, tumayo si Jesus sa tabing lawa; ngunit hindi alam ng mga alagad na siya ay si Jesus. 5 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mga anak, may nahuli ba kayong isda?” Sumagot sila, “Wala.” 6 Sinabi niya sa kanila, “Ihagis ninyo ang lambat sa gawing kanan, at makahuhuli kayo.” Kaya ihinagis nga nila ito, at halos hindi na nila mahila ang lambat dahil sa dami ng huli. 7 Sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Jesus, “Siya ang Panginoon!” Nang marinig ni Pedro na iyon ay ang Panginoon, nagdamit siya, dahil siya'y hubad, at tumalon siya sa lawa. 8 Ngunit ang ibang mga alagad ay dumating sakay ng bangka, hila-hila ang lambat na punung-puno ng isda, dahil hindi naman sila kalayuan sa lupa, na halos siyamnapung metro ang layo.

9 Nang makarating sila sa pampang, nakakita sila ng uling na nagbabaga, may isda sa ibabaw nito, at mayroon ding tinapay. 10 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Magdala kayo ng isda na bagong huli ninyo.” 11 Kaya pumunta si Simon Pedro sa bangka at hinila papuntang pampang ang lambat na puno ng isda: isandaan at limampu't tatlong lahat. Kahit napakarami ng mga ito, hindi nasira ang lambat. 12 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Halikayo at mag-agahan.” Sinuman sa kanila ay hindi nagtangkang magtanong kung sino siya sapagkat alam nila na siya ang Panginoon. 13 Lumakad si Jesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila, at ganoon din ang ginawa niya sa isda. 14 Ito ang ikatlong pagkakataon na nagpakita si Jesus sa mga alagad matapos siyang ibangon mula sa kamatayan.

15 Matapos mag-agahan, tinanong ni Jesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako nang higit sa mga ito?” Sinabi niya kay Jesus, “Opo, Panginoon; alam mong pinahahalagahan kita[14].” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pakainin mo ang aking mga kordero.” 16 Muling nagtanong si Jesus sa ikalawang pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Sinabi ni Pedro sa kanya, “Opo, Panginoon; alam mong pinahahalagahan kita.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Alagaan mo ang aking mga tupa.” 17 Muling nagtanong si Jesus sa ikatlong pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, pinahahalagahan mo ba ako?” Nalungkot si Pedro dahil tatlong ulit na siyang tinanong ni Jesus, “Pinapahalagahan mo ba ako?” At sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, alam mo ang lahat ng bagay; alam mong pinapahalagahan kita.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pakainin mo ang aking mga tupa. 18 Pakinggan mo ang sinasabi ko sa iyo: noong bata ka pa, binibihisan mo ang iyong sarili at pumupunta ka kung saan mo ibig. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay, at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka kung saan hindi mo nais pumunta.” 19 Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay sa paraang maluluwalhati niya ang Diyos. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.”

Si Jesus at ang Minamahal na Alagad

20 Lumingon si Pedro at nakita niyang sumusunod sa kanila ang alagad na minamahal ni Jesus. Siya ang nakaupo sa tabi ni Jesus noong hapunan at nagsabing, “Panginoon, sino po ang magkakanulo sa iyo?” 21 Nang makita siya ni Pedro, sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, paano naman siya?” 22 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung kalooban kong manatili siya hanggang sa pagdating ko, ano ito sa iyo? Sumunod ka sa akin!” 23 Kaya kumalat ang balita sa kapatiran na ang alagad na ito ay hindi mamamatay. Bagama't hindi sinabi ni Jesus na hindi siya mamamatay, kundi, “Kung kalooban kong manatili siya hanggang sa pagdating ko, ano ito sa iyo?”

24 Ito ang alagad na nagpapatunay sa mga bagay na ito at isinulat niya ang mga ito, at alam natin na tunay ang kanyang patotoo. 25 Marami pang ibang ginawa si Jesus at kung ang lahat ng ito ay isusulat, sa palagay ko'y hindi magkakasya sa mundong ito ang mga aklat na maisusulat.

Talababa

edit
  1. 1:1 o kaharap
  2. 1:1 o Kaharap
  3. 1:14 o nagkatawang tao
  4. 1:14 o di kaya'y nakipamuhay o nanirahan
  5. 1:39 ibig sabihin ay alas-4 ng hapon
  6. 1:42 Ang Cefas na mula sa Aramaico at Pedro na mula sa Griego ay parehong nangangahulugang malaking-bato o rock sa Ingles.
  7. 2:4 idiyomatikong ekspresyon na nangangahulugang ano ang nais mo sa akin
  8. 2:6 Sa Griego: metretes na nangangahulugang sukat o panukat, ang dalawa o tatlong sukat (metretes) ay katumbas ng pitumpu't lima hanggang 115 litro o dalawampu hanggang tatlumpung galon
  9. 2:7 o malasakit
  10. 3:3 Ang pagkaunawa ni Nicodemo ay ipanganak muli, sapagkat sa Griego ang salitang muli at mula-sa-itaas o mula-sa-simula ay iisa
  11. 3:8 o di kaya'y, Umiihip ang hangin
  12. o Betsaida
  13. 10:29 o di kaya'y, Ang ibinigay sa akin ng aking Ama ay higit na dakila kaysa lahat, at walang makakaagaw sa kanila mula sa kamay ng Ama .
  14. 21:15 o minamahal kita