Ang Sulat ni Santiago
Support
Kabanata 1
edit1 Si Santiago, lingkod ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo,
Sa labingdalawang tribong nakakalat, pagbati:
2 Mga kapatid, magalak kayo kapag kayo'y dumaranas ng iba't ibang uri ng pagsubok. 3 Dapat ninyong malaman na nagiging matatag ang inyong pananampalataya sa pamamagitan ng mga pagsubok. 4 At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo'y maging ganap at walang pagkukulang.
5 Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay nang sagana at hindi nanunumbat. 6 Subalit ang humihingi ay dapat magtiwala sa Diyos at huwag mag-alinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na itinataboy ng hangin kahit saan. 7 Huwag umasang tatanggap ng anuman mula sa Panginoon ang taong 8 pabagu-bago ang isip at di alam kung ano talaga ang nais niya.
9 Dapat magalak ang mahirap na kapatid kapag siya'y itinataas ng Diyos, 10 at gayundin naman ang mayamang kapatid kapag siya'y ibinababâ, sapagkat ang mayaman ay lilipas na gaya ng bulaklak ng damo. 11 Ang damo ay nalalanta sa matinding sikat ng araw, nalalagas ang kanyang mga bulaklak at kumukupas ang kanyang kagandahan. Gayundin naman, ang mayaman ay mamamatay sa gitna ng kanyang mga kaabalahan.
12 Pinagpala ang taong nananatiling tapat sa kabila ng mga pagsubok; sapagkat matapos niyang malampasan ang pagsubok, tatanggap siya ng gantimpala ng buhay, na ipinangako ng Panginoon[c] sa mga umiibig sa kanya. 13 Huwag sabihin ninuman na tinutukso siya ng Diyos kapag siya'y dumaranas ng pagsubok, sapagkat ang Diyos ay hindi maaaring matukso at hindi rin naman niya tinutukso ang kahit sino. 14 Natutukso ang tao kapag siya'y naaakit at nagpapatangay sa kanyang sariling pagnanasa. 15 At ang pagnanasa kapag naitanim sa puso ay nagbubunga ng kasalanan; at ang kasalanan, sa hustong gulang ay nagbubunga ng kamatayan.
16 Huwag kayong padaya, mga kapatid kong minamahal. 17 Ang lahat ng mabuti at ganap na kaloob ay buhat sa Diyos, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa kalangitan. Hindi siya nagbabago, o nagdudulot ng bahagya mang dilim dahil sa pagbabago. 18 Niloob niyang tayo'y maging anak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging pangunahin higit kaysa lahat ng kanyang mga nilalang.
19 Mga kapatid kong minamahal, unawain ninyo ito: maging alisto kayo sa pakikinig, maingat sa pagsasalita at hindi agad nagagalit. 20 Dahil ang galit ng tao ay hindi nakakatulong upang magawa kung ano ang ayon sa kalooban ng Diyos. 21 Kaya't talikuran na ninyo ang inyong maruruming gawa at alisin ang masasamang asal. Mapagpakumbabang tanggapin ninyo ang salitang itinanim sa inyong puso. Ito ay may kakayahang magligtas sa inyo.
22 Mamuhay kayo ayon sa salita ng Diyos. Kung ito'y pinapakinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili. 23 Sapagkat ang nakikinig ng salita ngunit hindi sumusunod dito ay katulad ng isang taong tumitingin sa salamin, 24 at pagkatapos makita ang sarili ay umaalis at kinakalimutan ang kanyang anyo. 25 Ang taong nagsasaliksik at nagpapatuloy sa pagsunod sa Kautusang ganap na nagpapalaya sa tao ang pagpapalain ng Diyos sa lahat ng kanyang gawain. Siya ang taong gumagawa at hindi siya katulad ng nakikinig lamang at pagkatapos ay nakakalimot.
26 Kung inaakala ninuman na siya'y relihiyoso, ngunit hindi naman siya marunong magpigil ng dila, dinadaya lamang niya ang kanyang sarili. Walang kabuluhan ang kanyang pagiging relihiyoso. 27 Ang relihiyon na dalisay at walang dungis sa harap ng ating Diyos at Ama ay ito: pagtulong sa mga ulila at sa mga biyuda sa kanilang kahirapan, at pag-iingat sa sarili upang huwag mahawa sa kasamaan ng mundong ito.
Kabanata 2
edit1 Mga kapatid ko, bilang mga mananampalataya kay Jesu-Cristo na ating maluwalhating Panginoon, dapat maging pantay-pantay ang tingin ninyo sa lahat ng tao. 2 Kung may pumasok sa inyong kapulungan na isang lalaking may mga singsing na ginto at nakadamit nang magara, at dumating din doon ang isang dukha na gusgusin ang damit, 3 at inasikaso ninyong mabuti ang nakadamit nang magara at sinabi sa kanya, “Dito kayo maupo,” at sinabi naman ninyo sa mahirap, “Tumayo ka na lang diyan,” o kaya'y, “Sa sahig ka na lang umupo,” 4 nagtatangi na kayo at humahatol nang mali.
5 Mga kapatid kong minamahal, makinig kayong mabuti! Hindi ba't pinili ng Diyos ang mahihirap sa mundong ito upang maging mayaman sa pananampalataya at maging kasama sa kahariang ipinangako niya sa mga umiibig sa kanya? 6 Ngunit hinahamak ninyo ang mahihirap. Hindi ba't ang mayayaman ang umaapi sa inyo at sila ang kumakaladkad sa inyo sa hukuman? 7 Hindi ba't sila rin ang lumalait sa marangal na pangalang ibinigay sa inyo ng Diyos?
8 Mabuti ang inyong ginagawa kung tinutupad ninyo ang utos ng Diyos na ating hari, ayon sa Kasulatan, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” 9 Ngunit kung nagtatangi kayo ng tao, kayo'y nagkakasala, at batay sa Kautusan, dapat kayong parusahan. 10 Ang lumalabag sa isang utos, kahit tumutupad sa iba pa, ay lumalabag sa buong Kautusan, 11 sapagkat ang Diyos na nagsabing, “Huwag kang mangangalunya,” ay siya ring nagsabing, “Huwag kang papatay.” Kung hindi ka man nangangalunya, ngunit pumapatay ka naman, nilalabag mo pa rin ang Kautusan. 12 Kaya't mag-ingat kayo sa inyong pagkilos at pananalita, sapagkat hahatulan kayo ayon sa kautusang nagpapalaya sa inyo. 13 Walang awang hahatulan ang di-marunong maawa; ngunit mangingibabaw ang awa sa paghatol.
14 Mga kapatid, ano ang pakinabang kung sabihin ng isang tao na siya'y may pananampalataya, ngunit hindi naman niya ito pinapatunayan sa gawa? Maililigtas ba siya ng ganoong uri ng pananampalataya? 15 Halimbawa, may isang kapatid na walang maisuot at walang makain. 16 Kung sasabihin ninyo sa kanya, “Patnubayan ka nawa ng Diyos; magbihis ka't magpakabusog,” ngunit hindi naman ninyo siya binibigyan ng kanyang kailangan, ano ang silbi niyon? 17 Gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa.
18 Ngunit may nagsasabi, “May pananampalataya ka at may gawa naman ako.” Ipakita mo sa akin kung paano maaaring magkaroon ng pananampalataya nang walang mga gawa, at ipapakita ko naman sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa. 19 Sumasampalataya ka na ang Diyos ay iisa, di ba? Mabuti naman! Ang mga demonyo man ay sumasampalataya rin, at nanginginig pa. 20 Isa kang hangal! Nais mo pa bang patunayan ko sa iyo na walang kabuluhan ang pananampalatayang walang kasamang gawa? 21 Hindi ba't ang ating amang si Abraham ay itinuring ng Diyos na matuwid dahil sa kanyang mga gawa, nang ihandog niya sa dambana ang anak niyang si Isaac? 22 Dito ay makikita mong magkalakip ang kanyang pananampalataya at mga gawa, at naging ganap ang kanyang pananampalataya dahil sa kanyang mga gawa. 23 Natupad ang sinasabi ng kasulatan, “Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at dahil dito, siya'y itinuring ng Diyos bilang matuwid,” at tinawag siyang “kaibigan ng Diyos.” 24 Diyan ninyo makikita na itinuturing na matuwid ang isang tao dahil sa kanyang mga gawa at hindi dahil sa pananampalataya lamang.
25 Gayundin si Rahab, ang babaing nagbebenta ng aliw; pinatuloy niya ang mga espiya ng Israel at itinuro pa sa kanila ang ibang daan upang sila'y makatakas. Dahil sa ginawa niyang iyon, siya'y itinuring na matuwid.
26 Patay ang katawang walang espiritu; gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kasamang gawa.
Kabanata 5
edit13 Mayroon ba sa inyong nagdurusa? Manalangin siya. Mayroon bang masaya? Umawit siya ng papuri.
14 May sakit ba ang sinuman sa inyo? Ipatawag niya ang mga presbitero ng Simbahan, at kanilang ipanalangin siya, at siya'y pahiran nila ng langis sa pangalan ng Panginoon.
15 Ang panalangin na may pananampalataya ay magliligtas sa maysakit, at ibabangon siya ng Panginoon; at kung siya ay nagkasala, siya ay patatawarin.
16 Kaya't ipahayag ninyo sa isa't isa ang inyong mga kasalanan, at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Ang panalangin ng taong matuwid ay makapangyarihan at mabisa.