Huag Acong Salangin Nino Man ni Jose Rizal
Salin ni Pascual H. Poblete. Limbagan ni M. Fernandez
356175Huag Acong Salangin Nino Man ni Jose RizalSalin ni Pascual H. Poblete. Limbagan ni M. Fernandez


—Mg̃a guinoo—ang sinabing marahan—tila mandin tayo'y na sa bahay ng̃ isang "indio". Ang mg̃a guinoong dalagang iyan....

—¡Bah! huwag cayóng napaca magugunigunihin! Hindî ipinalalagay ni Santiagong siya'y "indio," bucód sa roo'y hindî siya naháharap, at.... ¡cahi't náhaharap man siya! Iya'y mg̃a cahaling̃án ng̃ mg̃a bágong dating. Hayaan ninyong macaraan ang ilang bowan; magbabago cayóng isipán pagca cayo'y nacapagmalimít sa maraming mg̃a fiesta at "bailujan"[58], nacatulog sa mg̃a catre at nacacain ng̃ maraming "tinola".

—Tinatawag po ba ninyong tinola ang bung̃ang cahoy na cahawig ng̃ "loto"[59] na ... ganyan ... nacapagmamalimutin sa mg̃a tao?

—¡Ano bang loto ni loteria!—ang sagot ni párì Dámasong nagtátawa;—nagsasalitâ cayó ng̃ mg̃a cahaling̃án. Ang tinola ay ang pinaghalong inahíng manoc at sacá úpo. ¿Buhat pa cailán dumating cayó?

—Apat na araw—ang sagot ng̃ binatang ga namumuhî na.

—¿Naparito ba cayong may catungculan?

—Hindi pô; naparito acó sa aking sariling gugol upang mapagkilala co ang lupaíng itó.

—¡Aba, napacatang̃ì namang ibon!—ang saysay ni Fr. Dámaso, na siya'y minamasdan ng̃ boong pagtatacá—¡Pumarito sa sariling gugol at sa mg̃a cahaling̃án lamang! ¡Cacaibá namáng totoo! ¡Ganyang caraming mg̃a libro ... sucat na ang magcaroon ng̃ dalawang dáling noo[60].... Sa ganya'y maraming sumulat ng̃ mg̃a dakílang libro! ¡Sucat na ang magcaroon ng̃ dalawang daling noo....

—Sinasabi ng̃ "cagalanggalang po ninyo"[61] ("Vuestra reverencia"), párì Dámaso—ang biglang isinalabat ng̃ dominico na pinutol ang salitaan—na cayo'y nanaháng dalawampong taón sa bayang San Diego at cayo umalis doon.... ¿hindî pô ba kinalúlugdan ng̃ inyong cagalang̃an ang bayang iyon?

Biglang nawalâ ang catowaan ni Fr. Dámaso at tumiguil ng̃ pagtatawá sa tanóng na itong ang anyo'y totoong parang walang anó man at hindî sinásadyâ.