Huag Acong Salangin Nino Man ni Jose Rizal
Salin ni Pascual H. Poblete. Limbagan ni M. Fernandez
356176Huag Acong Salangin Nino Man ni Jose RizalSalin ni Pascual H. Poblete. Limbagan ni M. Fernandez


Nagpatuloy ng̃ pananalitâ ang dominico ng̃ anaki'y lalong nagwáwalang bahálà:

—Marahil ng̃a'y nacapagpipighati ang iwan ang isáng bayang kinátahanang dalawampong taón at napagkikilalang tulad sa hábitong suot. Sa ganáng akin lamang naman, dinaramdam cong iwan ang Camilíng, gayóng iilang buwan acóng nátira roon ... ng̃uni't yaó'y guinawâ ng̃ mg̃a púnò sa icagagaling ng̃ Capisanan ... at sa icágagaling co namán.

Noon lamang ng̃ gabíng iyón, tila totoong natilihan si Fr. Dámaso. Di caguinsaguinsa'y pinacabigyanbigyan ng̃ suntóc ang palung̃án ng̃ camáy ng̃ canyáng sillón, huming̃a ng̃ malacás at nagsalitâ:

—¡O may Religión ó wala! sa macatuid baga'y ¡ó ang mg̃a cura'y may calayâan ó walâ! ¡Napapahamac ang lupang itó, na sa capahamacán!

At sácâ mulíng sumuntóc.

—¡Hindi!—ang sagót na paang̃il at galit, at saca biglang nagpatinghigâ ng̃ boong lacás sa hiligán ng̃ sillón.

Sa pagcámanghâ ng̃ nang̃asasalas ay nang̃agting̃inan sa pulutóng na iyón: itinungháy ng̃ dominico ang canyáng ulo upang tingnán niya si pári Dámaso sa ilalim ng̃ canyáng salamín sa mata. Tumiguil na sandali ang dalawáng extranjerong nang̃agpapasial, nang̃agting̃inan, ipinakitang saglít ang caniláng mg̃a pang̃il; at pagdaca'y ipinagpatuloy uli ang caniláng pagpaparoo't parito.

—¡Masamâ ang loob dahiláng hindî ninyó binigyán ng̃ Reverencia (Cagalang-galang)!—ang ibinulóng sa taing̃a ng̃ binatang mapulá ang buhóc ni guinoong Laruja.

—¿Anó pô bâ, ang ibig sabihin ng̃ "cagalanggalang" ninyó (Vuestra Reverencia)? ¿anó ang sa inyo'y nangyayari?—ang mg̃a tanóng ng̃ dominico at ng̃ teniente, na iba't ibá ang taas ng̃ voces.

—¡Cayâ dumaráting dito ang lubháng maraming mg̃a sacunâ! ¡Tinatangkílik ng̃ mg̃a pinúnò ang mg̃a "hereje"[62] laban sa mg̃a "ministro" ng̃ Dios[63]! ang ipinagpatuloy ng̃ franciscano na ipinagtutumâas ang canyáng malulusog ó na mg̃a panuntóc.

—¿Anó pô ba ang ibig ninyóng sabihin?—ang mulíng itinanóng ng̃ abot ng̃ kilay na teniente na anyóng titindig.