Huag Acong Salangin Nino Man ni Jose Rizal
Salin ni Pascual H. Poblete. Limbagan ni M. Fernandez
356191Huag Acong Salangin Nino Man ni Jose RizalSalin ni Pascual H. Poblete. Limbagan ni M. Fernandez


—¿Marunong po bâ naman cayo ng̃ inglés?—ang tanong ng̃ dominicong natira sa Hongkong at totoong marunong ng̃ "Pidggin-English"[95], iyang halo-halong masamáng pananalitâ ng̃ wicà ni Shakespeare[96] ng̃ anác ng̃ Imperio Celeste[97].

—Natira acóng isang taón sa Inglaterra, sa casamahán ng̃ mg̃a táong inglés lamang ang sinásalitâ.

—At ¿alín ang lupaíng lalong naibigan pô ninyó sa Europa?—ang tanóng ng̃ binatang mapulá ang buhóc.

—Pagcatapos ng̃ España, na siyang pang̃alawá cong Báyan, alín man sa mg̃a lupaín ng̃ may calayâang Europa.

—At cayó pong totoong maraming nalacbáy ... sabihin ninyó, ¿anó pô bâ ang lalong mahalagáng bagay na inyong nakita?—ang tanóng ni Laruja.

Wari'y nag-isíp-ísíp si Ibarra.

—Mahalagáng bagay, ¿sa anóng cauculán?

—Sa halimbawà ... tungcól sa pamumuhay ng̃ mg̃a báyan ... sa búhay ng̃ pakikipanayám, ang lácad ng̃ pamamahalà ng̃ báyan, ang úcol sa religión, ang sa calahatán, ang catás, ang cabooan....

Malaong nagdidilidili si Ibarra.

—Ang catotohanan, bágay na ipangguilalás sa mg̃a báyang iyan, cung ibubucod ang sariling pagmamalakí ng̃ bawa't isá sa canyáng nación.... Bago co paroonan ang isáng lupain, pinagsisicapan cong matalós ang canyáng historia, ang canyáng Exodo[98] cung mangyayaring masabi co itó, at pagcatapos ang nasusunduan co'y ang dapat mangyari: nakikita cong ang iguiniguinhawa ó ipinaghihirap ng̃ isáng baya'y nagmúmulâ sa canyáng mg̃a calayâan ó mg̃a cadilimán ng̃ isip, at yamang gayó'y nanggagaling sa mg̃a pagpapacahirap ng̃ mg̃a namamayan sa icágagalíng ng̃ calahatán, ó ang sa canilang mg̃a magugulang na pagca walang ibáng iniibig at pinagsusumakitan cung dî ang sariling caguinhawahan.

—At ¿walâ ca na bagáng nakita cung dî iyán lámang?—ang itinanóng na nagtátawa ng̃ palibác ng̃ franciscano, na mulâ ng̃ pasimulàan ang paghapon ay hindî nagsásalita ng̃ anó man, marahil sa pagcá't siya'y nalilibang sa pagcain; hindî carapatdapat na iwaldás mo ang iyong cayamanan upang walâ cang maalaman cung dî ang bábahagyang bagay na iyán! ¡Sino mang musmós sa escuelaha'y nalalaman iyán!