Huag Acong Salangin Nino Man ni Jose Rizal
Salin ni Pascual H. Poblete. Limbagan ni M. Fernandez
356189Huag Acong Salangin Nino Man ni Jose RizalSalin ni Pascual H. Poblete. Limbagan ni M. Fernandez


Ng̃uni't sa lahat ng̃ mg̃a upuan ay may mg̃a tao na. Hindî cumacain si Lúculo[91] sa bahay ni Lúculo.

—¡Tumahimic pô cayó! howag cayóng tumindîg!—ani Capitang Tiago, casabay ng̃ pagdidíin sa balicat ni Ibarra. Cayâ pa namán gumágawâ ang pagdiriwáng na ito'y sa pagpapasalamat sa mahál na Vírgen sa inyóng pagdatíng. Nagpagawâ acó ng̃ "tinola" dahil sa inyó't marahil malaon ng̃ hindî ninyó nátiticiman.

Dinalá sa mesa ang isáng umáasong malaking "fuente"[92]. Pagcatapos maibulóng ng̃ dominico ang "Benedícte"[93] na halos walâ sino mang natutong sumagot, nagpasimulâ ng̃ pamamahagui ng̃ laman ng̃ fuenteng iyon. Ng̃uni't ayawan cung sa isáng pagcalibáng ó iba cayáng bagay, tumamà cay párì Dámaso ang isáng pinggang sa guitnâ ng̃ maraming úpo at sabáw ay lumálang̃oy ang isáng hubád na líig at isáng matigás na pacpác ng̃ inahíng manóc, samantalang cumacain ang ibá ng̃ mg̃a hità at dibdíb, lalong lalò na si Ibarra, na nagcapalad mapatamà sa canyá ang mg̃a atáy, balonbalonan at ibá, pang masasaráp na lamáng loob ng̃ inahíng manóc. Nakita ng̃ franciscano ang lahát ng̃ itó, dinurog ang mg̃a úpo, humigop ng̃ cauntíng sabáw, pinatunóg ang cuchara sa paglalagáy at bigláng itinulac ang pingga't inilayô sa canyáng harapán. Nalílibang namáng totoo ang dominico sa pakikipagsalitàan sa binatang mapulá ang buhóc.

—¿Gaano pong panahóng nápaalis cayó sa lupaíng ito?—ang tanóng ni Laruja cay Ibarra.

—Pitóng taón halos.

—!Aba! ¿cung gayó'y marahil, nalimutan na ninyó ang lupaíng ito?